Tatlong pugante ng Negros Oriental Detention and Rehabilitation Center ang namatay makaraang makipagsagupaan sa pulisya.

Kinilala ang mga nasawi na sina Maximo Aspacio, residente ng Ayungon; Richard Balasabas; at James Magdasal, kapwa taga-Siaton, at pawang akusado sa murder.

Naaresto naman ang isa sa mga suspek na kinilalang si Rico Bandico, taga-Ayungon, na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms.

Mayo 8 ng gabi nang tumakas ang apat na suspek, ngunit makalipas ang isang linggo ay natunton ang kanilang kinaroroonan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Insp. Luis Lakandula, hepe ng Tayasan Police, na nakatanggap siya ng impormasyon mula sa mga residente tungkol sa pinagtataguan ng mga suspek.

Nangyari ang engkuwentro dakong 4:00 ng hapon nitong Linggo makaraang salakayin ng mga pulis ang pinagtataguan ng mga pugante.

Agad namang nagpaputok ang mga suspek makaraang mamataan ang paparating na mga pulis.

Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga suspek hanggang sa masawi ang tatlo sa mga ito matapos ang kalahating oras na engkuwentro. (FER TABOY)