Nasa pangangalaga na ng Kabankalan City election officials ang tatlong secure digital (SD) memory card na ginamit sa nakaraang halalan, at sa hindi pa mabatid na dahilan ay napunta sa tambakan ng basura sa Negros Occidental.
Ito ang iginiit ni Kabankalan City Election Officer Atty. Revo Sorbito, sinabing aksidenteng nailagay ang tatlong SD card sa isang kahon na napunta sa isang basurahan at kalaunan ay kinuha ng mga basurero.
Noong Mayo 12, o tatlong araw matapos ang eleksiyon, nadiskubre ng mga lokal na opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na naisama ang tatlong SD card sa mga kahon na itinapon sa basurahan.
Ipinaliwanag ni Sorbito na hindi nila sinasadyang itapon ang mga SD card.
Nabawi ang dalawa sa tatlong nawawalang SD card sa tambakan ng basura sa Sitio Kabangahan sa Barangay Hilamonan nitong Mayo 12.
Dalawang residente na sina Neca Sialsa, 24; at Gina Regalado, ang 48-anyos na caretaker ng dump site, ang aksidenteng nakadiskubre sa mga SD card na isinilid sa brown envelope.
Nalaman lang nina Sialsa at Regalado na mga SD card ang kanilang napulot nang dumating sa lugar ang isang “Shiela”, na nagpakilalang kinatawan ng Comelec-Kabankalan City, at hinahanap ang mga naturang memory card. (Carla N. Canet)