MALUHA-LUHANG sinalubong ng mga empleyado niya sa Manila City Hall si Vice Mayor Isko Moreno. Pagkatapos ng eleksiyon na hindi pinalad si VM Isko bilang senador ay balik trabaho na siya agad. Kahit ramdam sa kanya ang kalungkutan, nakuha pa ring magpatawa ni Isko sa mga empleyado niya.
“Back to work na tayong lahat. Maraming maraming salamat sa lahat ng tulong ninyo at suporta,” sey ni VM Isko sa mga mahal niyang empleyado. Sabi pa ni Vice Mayor, walang dapat sisihin sa kanyang pagkatalo basta’t alam niyang ginawa nila ang lahat.
“Well, that’s life,” may ngiting banggit ng actor/politician. Pinasalamatan din ni Isko ang lahat ng mga bumoto sa kanya. Almost 11 million votes ang nakuha niya na aniya ay sobrang ikinatuwa niya considering na first attempt lang niya iyon sa Senado. “’Yung 11 million votes na ‘yan na ibinigay nila sa akin, eh, masaya na ako.
“Kinulang nga lang at alam naman nating malalakas ang mga nauna sa atin. Anyway, may iba pa namang plano siguro sa atin ang nasa Itaas,” banggit pa ni Isko. Maging sa mga hindi bumoto sa kanya ay nagpaabot ng pasasalamat ang bise alkalde ng Manila.
“Hindi naman tayo dapat magmaasim at walang dapat na sisihin. May mga nagsasabi sa akin na sana raw hindi na lang senador ang tinakbo ko. Well, okey lang naman ‘yun. Masaya na rin ako dahil halos naikot ko ang buong Pilipinas,” napatawang banggit ni Isko.
This early, may mga nagsasabi sa bise alkalde na hintayin na lang daw niya ulit ang susunod na eleksiyon at tumakbo bilang senador ulit. Hindi raw siya dapat mawalan ng pag-asa dahil kung pagbabasehan ang mga nanalong senador ay may mga pangalan na kung ilang ulit na ring tumakbo at ngayon lang pinalad.
“Well, ayoko munang planuhin ‘yan. Basta sa ngayon, eh, tatapusin ko ‘yung natitirang araw ko rito sa City Hall bilang bise alkalde ng Manila. After that baka tumanggap muna ng mga project sa showbiz na medyo nami-miss ko na ring gumawa ng movie at lumabas sa telebisyon,” sey pa niya. (JIMI ESCALA)