SA panahon pa lang ni dating Pangulong Gloria Arroyo ay napakaingay na ng panawagang ibasura ang Oil Dregulation Law (ODL). Pero, hindi ito nangyari hanggang sa mamahala si Pangulong Noynoy Aquino.
“Walang akong nakikitang masama sa batas na ito para ipabasura ito,” wika ni PNoy. Kaya, matatapos na ang termino ng Pangulo, ang bansa ay nasa ilalim pa rin ng walang habas na pamamayagpag ng mga dambuhalang kumpanya ng langis. Pinagalaw ng Pangulo ang gobyerno sa ilalim ng anino ng mga ito.
Kaya, hanggang ngayon ang mga kumpanya ng langis ang nagdidikta ng presyo ng kanilang produktong petrolyo. Sa dahilang tumaas o bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ibababa o itataas nila ang presyo ng kanilang produktong petrolyo sa bansa. Barya-barya lang kung ibaba nila ang presyo, subalit kapag sila ay nagtaas, napakalaki at nabawi na ang kanilang ibinababa. Dahil nga sa ODL, bulag tayong mamamayan kung ang ibinaba o itinaas nilang presyo ay katumbas ng naganap sa pandaigdigang merkado.
Sa ginawang ito ng gobyerno, sa pag-alis ng kontrol sa langis, para bang itinapon tayo sa dagat na pinamumugaran ng mga buwaya o pating. Kung sasagpangin tayong buong-buo o baha-bahagi lang ay depende sa naramdaman nilang gutom. Kaya nga ginagaya ng mga kumpanya ng langis ang gobyerno sa pagbubuwis sa mamamayan na ang sinusunod na patakaran ay “Don’t kill the goose that lays the golden egg.”
Kaya, hindi natibag ni PNoy, bagkus ay lumala pa, ang kahirapan. Sinikap niya kasing gawin ito sa teritoryong pinakitid ng mga dambuhalang kumpanya ng langis. Para matagumpay na mabaka ang kahirapan ay kinakailangang paunlarin ang bansa lalo na sa larangan ng ekonomiya. Ang problema sa ipinagmamalaking kaunlaran ni Pangulong Aquino ay kakaunti lamang ang pinayayaman pero marami ang pinadudukha dahil pinili niyang paglingkuran ang kanyang mamamayan katuwang ang mga dambuhalang kumpanya ng langis.
Walang bansang umunlad na hindi niya kontrolado ang kanyang enerhiya. Ito kasi ang nagpapatakbo ng makinarya ng gobyerno. Limitado ang kayang ibigay na lakas ng gobyerno dahil sa presyo lang ng enerhiya na idinidikta ng dayuhan ay nakokonsumo na rito. Tingnan ninyo, kapag tumaas ang presyo ng langis, susunod ang presyo ng lahat, pati na ang presyo ng mga pangunahing serbisyo at pangunahing pangangailangan. Sa mga taong pinaganda ang buhay ng ekonomiyang nabubuhay sa ODL, kaya nilang pasanin ito. Paano na iyong mga taong pinadukha ng ODL, gagawa na lang sila ng paraan para itawid ang kanilang buhay sa bawat araw na nagdaraan, isa ito sa mga dahilan ng pagdami ng krimen. “Crime, drugs, corruption,” sabi ni Mayor Duterte, “stop them.” Sabihin din ninyo Mayor, “stop ODL!”