MAHIGIT isang buwan na lang ang nalalabi bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, sinimulan nang idetalye ni Pangulong Aquino ang kanyang mga naisakatuparan sa nakalipas na anim na taon. Sa isang panayam, sinabi niyang umaasa siyang maaalala siya ng bayan sa pagtupad sa kanyang ipinangako na tatapusin niya ang pamumuno sa bansa na mas mabuti ang lagay kaysa nang magsimula ang kanyang administrasyon noong 2010.
Sa kabuuan, inilahad nito ang buod ng kanyang iiwang pamana sa bayan. Binibigyang-diin nito ang katangi-tanging kaunlarang pang-ekonomiya batay sa taya ng Gross Domestic Product (GDP) na pumalo sa mataas na 7.1 porsiyento noong 2013, at naging isa ang Pilipinas sa mga pinaka-umalagwa sa Asia. Bumaba sa 6% ang GDP ngayong taon, na natatangi pa rin para sa isang mundong nananamlay ang karamihan sa ekonomiya.
Dapat ding pasalamatan ang administrasyong Aquino sa pangunahing kampanya nitong “Daang Matuwid” sa layuning sugpuin ang kurapsiyon sa gobyerno. Nagtakda ang Pangulo ng personal na halimbawa at hinimok niya ang mga kapwa opisyal sa Gabinete, sa iba’t ibang sangay ng Executive Department, at sa lehislatibo at hudikatura na tumalima rito—na naging matagumpay.
Matapos na himayin ng administrasyong Aquino ang mga pagkakamali at kabiguan ng nakalipas na administrasyon, ang sarili nitong record ang bubusisiin ngayon ng mga susunod na opisyal. Asahan na niya ang mga pagbatikos sa dalawang programa sa pagpopondo—ang Priority Development Assistance Fund at ang Disbursement Acceleration Program. Dapat niyang tanggapin ang mga kakulangan na nagbunsod sa kabiguan ng panukalang Bangsamoro Basic Law sa kabila ng dakila at ambisyoso nitong pangarap na magkaroon na ng kapayapaan sa Mindanao.
Tunay na maraming plano, proyekto at programa na maiuugnay sa administrasyong Aquino. Susuriin din ito sa mga susunod na panahon. Ang ilan ay maaaring maipagpatuloy, gaya ng Conditional Cash Transfer program na kinakailangan upang ayudahan ang pinakamahihirap. Ang ilan ay paiigtingin pa, gaya ng tuluy-tuloy na pagbili ng mga eroplano, barko, at bala upang pag-ibayuhin ang ating pambansang depensa at seguridad.
Sa panayam sa kanya noong nakaraang linggo, sinabi ni Pangulong Aquino na isang karangalan para sa kanya ang pagsilbihan ang mga Pilipino. Maraming pagsubok, panloob man at pandaigdigan, na ayon sa kanya ay hinarap niyang lahat habang iniisip na suportado siya ng mamamayan.
Tiwala siya, aniya, na iiwan niya ang isang bayan na mas mabuti ang sitwasyon kaysa nang datnan niya ito—isang mas maunlad, mas may kumpiyansa, mas ambisyoso, at mas nagsusumikap na bansa at mamamayan nito.