KATULAD ni ex-Pres. Joseph “Erap” Estrada na nagtamo ng landslide victory noong 1998, sinasabi ngayon ni presumptive President Rodrigo Roa Duterte (RRD), na walang kamag-anak, walang kaibigan ang papayagan niyang lumapit sa kanya para humingi ng ano mang pabor o kapakinabangan. Kasama kaya rito si Pastor Quiboloy, lider ng sekta ng relihiyon, na tumulong sa kanya nitong nakaraang eleksiyon at nagpahiram ng helicopter at iba pang mga sasakyan sa kampanya?
Tiniyak ni President Rody sa mga negosyante na sa ilalim ng kanyang administrasyon hindi niya papayagan ang extortion, suhulan at ano mang racket. Sabi ni RRD: “Sa aking mga kamag-anak at kaibigan, kailanman ay huwag ninyo akong lapitan para humingi ng pabor sapagkat wala kayong makukuha sa akin.” Lilinisin din niya aniya ang hanay ng militar at pulisya, at tatabasin ang mga tiwaling tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan sa bansa upang matigil ang tanim-bala (ipakakain niya umano niya ang mga bala sa mga taong may pakana nito). Ganito rin umano ang gagawin niya sa Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportation Office (LTO), at iba pang ahensiya ng gobyerno na pinamumugaran ng mga tiwali at bulok na opisyal ng pamahalaan.
Binigyang-diin niya na madidismaya lang ang mga lalapit sa kanya at baka mapahiya lalo kapag iginiit ang kanilang pakay. ‘Di ba’t ganito rin ang senaryo noong bagong halal si Pareng Erap? Sa kanyang inaugural address ay tahasan niyang sinabi na “Walang kamag-anak, walang kaibigan at walang kumpa-kumpare” sa kanyang administrasyon. Pero ano ang nangyari? Ang sumunod ay mga ulat ng anomalya, lagayan, suhulan na tinampukan ng jueteng scandal na nagwakas sa pagpapatalsik sa kanya sa puwesto sa pamamagitan ng EDSA People Power 2. Dugtong pa ni Mang Rody na huwag magtangka ang sino mang pinuno ng AFP o PNP na humingi ng pabor tungkol sa assignment o promosyon.
Sana ay hindi mangyari kay President Rody ang nangyari kay Erap na pinabagsak sa trono ng Malacañang na ibinoto ng mga tao sa paniniwalang hahanguin nila ang mamamayan sa kahirapan at kagutuman. Pareho silang nagtamo ng landslide victory. Parehong popular sa publiko, pero ang popularidad ay umaasim kapag mali at lihis ang ginagawa ng isang pangulo.
Siyanga pala, sa dinami-rami ng katawagan kay RRD tulad ng Du-30, Dirty Harry, DoDirty, The Punisher, Digong at PGong, ang talagang gusto niya ay tawagin na lang siyang “President Rody.” Ang “Rody” kasi ang tawag sa kanya ng kanyang ina, si Soledad Duterte, isang guro. Ang ama niya ay si ex-Davao Gov. Vicente Duterte noong ang Davao province (hindi Davao City) ay buo at hindi pa hinati-hati.
‘Lagi siyang humihingi ng tulong sa mga magulang tuwing may problema.
Bilang kauna-unahang Presidente ng Mindanao (hindi UNA dahil may mga naunang nagtangka), sisikapin ni President Rody na maisakatuparan ang salitang “Mindanao is the Land of Promise”. (Bert de Guzman)