Kritikal ang kalagayan ng isang mag-live-in partner, maging ng isang bagitong pulis, matapos ang isang hostage drama sa Navotas City, nitong Sabado ng gabi.
Ginagamot ngayon sa Tondo Medical Center ang mag-live-in partner na sina Pepeto Rosales, 33, alyas “Pinoy”; at Rosalinda Dela Cruz, 33, kapwa ng Marikit Street, Barangay Tanza, ng nasabing lungsod.
Nagtamo si Dela Cruz ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos siyang pagsasaksakin ni Rosales, na may tama naman ng bala sa likod mula sa mga nagrespondeng pulis.
Ginagamot din sa nabanggit na ospital si PO1 Ernie Santos, 31, miyembro ng Special Reaction Unit- Special Weapon and Tactics (SRU-SWAT) ng Navotas City Police, matapos tamaan ng ligaw na bala sa kanang balikat, mula sa pagpapaputok ng kanyang mga kasamahan.
Ayon sa report, dakong 8:00 ng gabi nang nagresponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1, sa pangunguna ni Insp. Jess Sagisi, sa bahay nina Rosales at Dela Cruz matapos na mag-away ang dalawa.
Pagdating sa lugar, nakita ni Sagisi na nakahandusay sa sahig ang duguang si Rosalinda Dela Cruz makaraan itong pagsasaksakin ni Rosales, na naaktuhan pang hawak ang patalim.
Kinausap ng opisyal si Rosales na sumuko nang matiwasay habang ang iba namang pulis ay nakakuha ng pagkakataon na maisugod sa ospital si Dela Cruz.
Pero sa halip na sumuko, sumugod si Rosales at aktong sasaksakin ang mga pulis kaya pinaputukan siya sa likod, habang minalas na natamaan ng ligaw na bala si Santos.
Sinabi ni Sagisi na posibleng selos ang pinag-awayan ng mag-kinakasama. (Orly L. Barcala)