Naglagak na ng piyansa si dating Police Chief Supt. Raul Petrasanta hinggil sa kanyang kinahaharap na kasong katiwalian na may kinalaman sa umano’y maanomalyang pagkuha ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) ng serbisyo ng isang courier company sa paghahatid ng lisensiya ng baril.

Naglagak si Petransanta ng P30,000 piyansa sa Sandiganbayan Sixth Division para sa kanyang pansamantalang kalayaan kaugnay ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Bukod kay Petrasanta, kabilang sa mga kinasuhan sina dating PNP Chief Director Gen. Alan Purisima, Napoleon Estilles, Allan Parreno, Eduardo Acierto, Melchor Reyes, Lenbell Fabia, Sonia Calixto, Nelson Bautista at Ricardo Zapanta Jr.

Kasama rin sa charge sheet ang mga opisyal ng Werfast Documentation Agency, Inc. na sina Ford Tuason, Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerio, Lorna Perena, at Juliana Pasia.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Nag-ugat ang kaso nang obligahin ng PNP ang polisiya sa delivery ng mga gun license sa pamamagitan ng courier service na Werfast.

Subalit iginiit ng Office of the Ombudsman na bigo ang Werfast na punan ang mga requirement ng gobyerno para sa courier service, tulad ng kawalan ng rehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), awtorisasyon mula sa Department of Transportation and Communications (DoTC) para sa operasyon nito, akreditasyon ng Department of Science and Technology (DoST), at akreditasyon mula sa PNP. (Jeffrey G. Damicog)