Tinanghal na kampeon si International Master Haridas Pascua sa Blitz at ikatlo sa Standard sa katatapos na 2nd DPulze Open Chess Festival 2016 na ginanap sa Pulze Shopping Centre, sa Selangor, Malaysia.

Nanguna ang 22-anyos na Pangasinense sa men’s Blitz level sa natipon na 7.0 puntos mula sa pitong panalo at isang talo para makopo ang titulo at ang premyong MYR500 (P5,784.71).

Nabigo naman siyang maitarak ang “double win” nang pumangatlo sa Standard category sa natipong 5.5 puntos.

Ang Blitz ay nilahukan ng 68 player buhat sa apat na bansa, samantalang ang Standard ay may 58 woodpushers na kasali mula sa pitong bansa.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Nakatabla si Pascua sa walong round na Blitz ang kababayang si IM Oliver Dimakiling sa parehas na pitong puntos subalit ang una ang nag-uwi ng championship trophy dahil sa tiebreak kung saan tinalo naman ni Dimakiling ang tumerserang si Malaysian Nicholas Chan.

Iniuwi ni Dimakiling sa ikalawang puwesto sa Blitz, habang ikaapat ang Pinoy din na si Nelson Villanueva (6.0 puntos), at ika-24 si Reginald Glenn Alfonso (5.0).

Nakasalo naman ni Dimakiling si Chan sa anim na puntos sa pitong round na Standard pero ang Malaysian ang naupo sa trono sa pananaig sa tiebreak. - Angie Oredo