Nina Edwin Rollon at Bert de Guzman

Lumalakas ang panawagan para sa paglikha ng Department of Sports – papalit sa Philippine Sports Commission (PSC) – na mangangasiwa sa programa ng sports sa bansa.

Nakahanda na at inaasahang isusulong ni Rep. Karlo Alexie B. Nograles (1st District, Davao City) ang House Bill 6440 na naglalayong maitatag ang Department of Sports – isang cabinet-level agency na magbibigay kapangyarihan sa promosyon at development ng sports mula sa grassroots hanggang sa elite status.

Ayon kay Nograles, isa sa pinagpipilian na maging House Speaker sa pag-upo ng bagong administrasyon ng nakaambang pangulo na si Duterte, magtatakda rin ng mga alituntunin para matugunan ang pangangailangan ng mga atleta, coach, trainer at sports official.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“It is now high time for the government to prioritize sports in the national agenda, and consider sports as an integral factor in nation building,” ayon kay Nograles, anak ni dating House Speaker Prospero Nograles, Jr.

Inaasahang aani ng suporta sa Kongreso ang naturang panukala, higit at nagwagi rin at may kinatawan sa Congress ang Party-list na Partido ng Bayaning Atleta (PBA) at 1-Pacman na kapwa nagsusulong ng sports development sa pamamagitan ng Department of Sports.

Ang PBA ay pamumunuan ng first nominee na si Jericho Nograles, nakababatang kapatid ni Karlo, habang ang 1-Pacman ay kakatawanin ni businessman/sportsman Dr. Mikee Romero.

Bahagi ng agenda ni Dr. Romero sa 1-Pacman ang pagtatayo ng Department of Sports na siyang makakaresolba sa matagal nang suliranin sa kakulangan ng pondo, traning center, grassroots development at world-class facilities.

“Establish a Department of Sports and we can address all the problems that beset Philippine sports a long time ago,” pahayag ni Romero, naging pangulo ng shooting at cycling association bago naging team owner ng GlobalPort sa PBA.

“There are no results-oriented sports programs that’s why we are lagging behind big time. Even Vietnam and Singapore athletes are now more superior over our athletes.”

“The transfer of technical knowledge to our athletes and coaches is rather slow. The coaches can’t seem to find promising athletes in the provinces,” sambit ni Romero.

“It saddens me to see Filipino athletes suffer embarrassing setbacks from their better prepared rivals so it’s high time to have permanent solutions to what ails Philippine sports,” dagdag ni Romero.

Ngayon, nasa Kongreso na ang 1-Pacman, inaasahang mas mabilis ang pagsulong ng pagbabago sa sports.

Iginiit ni dating PSC commissioner Leon Gonzalo ‘Binggoy’ Montemayor na sentro ng administrasyon ni Duterte ang sports kung kaya’t ang lahat ng planong makapagpapabago sa sistema ay inaasahang bibigyan ng suporta.

“As a true blue sportsman, hindi maiiwan ang sports sa bagong administrasyon. Marami ang magtutulong-tulong para maayos natin ito,” pahayag ni Montemayor, isa sa matunog na napipisil na maging chairman ng PSC.

“Until such time na maisabatas ang Department of Sports, ayusin muna natin ang mga atleta under the PSC system. Malapit na ang Rio Olympics,” ayon kay Montemayor.

Bahagi si Montemayor ng PSC Board sa administrasyon ni dating Pangulong Arroyo. Noong 2005 Southeast Asian Games, nakamit ng bansa ang overall championship, ngunit imbes na manatili sa itaas o maging top 3, unti-unting humina ang kampanya ng Pinoy sa regional level at sa huling laban sa SEA Games nitong 2015 sa Singapore, laglag ang Pinoy sa ikaanim na puwesto.

“Kailangan talaga nating kumilos. Mahuhusay ang ating mga atleta, suporta lang at tamang pagkalinga ang kailangan at talagang lalaban tayo kahit sa world championship,” sambit ni Montemayor.

Nabuo ang PSC noong 1991 sa administrasyon ng dating Pangulong Cory Aquino. Sa 26 na taon ng ahensiya, nakapagluklok na ng pitong chairman, kabilang ang kasalukuyan nakaupo ngayon na si Richie Garcia.