MIAMI (AP) — Nakatakda na ang kasaysayan.
Sino man sa Toronto Raptors at Miami Heat ang mangibabaw ay tatanghaling ika-15 koponan sa NBA na nagwagi ng dalawang Game 7 series sa isang postseason.
Sakaling ang Raptors ang manaig, sasalang sila sa Eastern Conference finals sa kauna-unahang pagkakataon. Magiging kauna-unahang koponan naman ang Heat na makakausad sa finals mula sa magkasunod na 2-3 katayuan sa serye.
At kung hindi pa sapat ang kanilang paghihirap, naghihintay sa kanila ang matikas na si LeBron James sa East finals.
Malalaman ang kasagutan sa lahat ng katanungan sa pagratsada ng Game 7 sa Linggo ng gabi (Lunes sa Manila), sa pagitan ng Raptors at Heat.
“This is why we’re in this business, to be pushed and tested and challenged,” pahayag ni Miami coach Erik Spoelstra.
“There’s no greater challenge than a Game Seven,” aniya.
Nakaiwas ang Heat sa pagkasibak nang maipuwersa ang 103-91 panalo sa Game 6. Nagwagi sila sa first round sa Game 7 kontra sa Charlotte Hornet.
“Game Seven in the first round was a little more tight,” sambit ni Raptors guard Kyle Lowry.