Hinikayat ang mga may-ari ng baril na may delinkuwenteng lisensiya na ipa-renew na ito sa Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) sa Camp Crame, Quezon City, na ngayo’y nagpapatuloy sa kabila ng ipinatutupad na gun ban.

Ang panawagan ay buhat sa Association of Firearms and Ammunition Dealers (AFAD).

Sa pahayag na ipinadala sa media sa Quezon City, naniniwala si Atty. Hector Rodriguez, AFAD president, na dahil dito ay mababawasan ang maraming lisensiya ng baril na expired na.

Pinaalalahanan din ni Rodriguez ang mga gun owner na kumuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF), na isang requirement sa ilalim ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang pahayag ni Rodriguez ay base sa kanyang obserbasyon na kakaunti ang aplikante sa firearms license renewal sa tanggapan ng PNP-FEO ngayong panahon ng eleksiyon.

Ang gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) ay naging epektibo noong Enero 11 at tatagal hanggang sa Hunyo 8, 2016.

“The licensing process is moving. We urge gun owners to renew their license at this time while the queues in the PNP-FEO are not long,” ayon kay Rodriguez.

Ito ay matapos na ilang tauhan ng PNP-FEO ang binigyan ng pansamantalang misyon sa nakalipas na eleksiyon.