ITINANGGI ni Lady Gaga na kasama siya sa much-publicised na pelikula tungkol kay Dionne Warwick. Napaulat na gaganap siya bilang si Cilla Black, ang British “nemesis” ng soul legend.
Dumalo si Dionne sa Cannes film festival noong nakaraang lingo upang i-promote ang biopic na Dionne, at sinabing ang dating miyembro ng Destiny’s Child na si LeToya Luckett ang magbibida bilang siya, at si Lady Gaga naman ang gaganap bilang si Cilla, na pumanaw noong nakaraang taon.
Ngunit mabilis itong itinanggi ng publicist ni Lady Gaga, at sinabi sa Variety magazine, sa mga komentong inilathala nitong Sabado na si Lady Gaga ay “not attached to this project”.
Ang napaulat na casting ay nagbunsod ng labis na online speculation — at katatawanan — kung paano magagaya ng American singer ang matinding Liverpool “Scouse” accent ni Cilla.
Ang alitan ng dalawang 1960s stars ay nagsimula limang dekada na ang nakalilipas nang ikagalit ni Dionne ang pagkopya ni Cilla sa kanyang pag-awit ng Anyone Who Had A Heart.
Masasabing ang panggagaya kay Dionne ang nagpasikat kay Cilla noong 1964.
“(Cilla) stole my music, and I was not a very happy camper about that,” sabi ni Dionne noon sa mga mamamahayag.
Ngunit sinabi ni Dionne na kinalimutan na nila ang anumang hindi nila pagkakaunawaan. “We grew up and understood each other. It all got cleared away,” ani Dionne.
Ayon sa WW Film Company, ang producer ng pelikula, sampung taon bago nakumpleto ang istorya — batay sa autobiography ni Dionne — para sa pelikula, na sisimulan na ang shooting sa Oktubre ngayong taon. (AFP)