Serena Williams

ROME (AP) — Sa bibihirang pagkakataon, masasaksihan ng tennis fans ang all-American championship duel sa clay court ng Italian Open.

Magtutuos sa finals sina top-ranked Serena Williams at sumisikat na 21-anyos na si Madison Keys sa Linggo (Lunes sa Manila) para sa kauna-unahang pagkakataon na magkakaharap ang dalawang American netter sa clay court mula nang magtagpo at gapiin ni Serena ang nakatatandang kapatid na si Venus noong 2002 French Open.

Naisaayos ang duwelo nang gapiin ni Serena ang 35th-ranked na si Irina-Camelia Begu 6-4, 6-1, habang naungusan ng 24th-ranked na si Keys si dating Wimbledon finalist Garbine Muguruza 7-6 (5), 6-4 sa magkahiwalay na semi-final duel nitong Sabado (Linggo sa Manila).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang huling pagkakataon na nagtuos sa championship ang dalawang American sa Rome ay noong 1970 kung saan ginapi ni Billie Jean King si Julie Heldman.

“It will be wonderful,” pahayag ni Serena.

“I feel like Madison is one of the players that really can be great and she has that potential, and now she’s showing that on all surfaces,” aniya.

Sa men’s division, naisaayos nina top-ranked Novak Djokovic at Andy Murray ang duwelo sa kampeonato sa ikalawang sunod na torneo.

Naisalba ni Djokovic ang matikas na baseline shot ni sixth-seeded Kei Nishikori tungo sa 2-6, 6-4, 7-6 (5) panalo, habang magaang nadispatsa ni Murray si Lucas Pouille 6-2, 6-1.

Nagkaharap din ang dalawa sa Madrid Open sa nakalipas na linggo kung saan nanaig si Djokovic sa tatlong set.

Nagkataon, gaganapin ang finals sa ika-29 kaarawan ni Murray.

“I don’t remember winning any matches on my birthday, which isn’t a great sign,” sambit ni Murray.

Tangan ni Serena ang dominanteng 15-0 marka laban sa kababayan mula nang matalo kay Venus sa semi-final ng Montreal noong 2014.