(Huling Bahagi)
SA Angono, Rizal, ang kapistahan ni San San Isidro ay sinisimulan ng siyam na gabing nobena sa pinatayong kapilya na naroon ang imahen ni San Isidro. Ang siyam na gabing nobena ay dinadaluhan ng mga magsasaka, pamilya ng mga magsasaka, senior citizen, dalaga at binata at iba pang deboto ni San Isidro.
Matapos ang nobena sa bawat gabi, binibigyan ng libreng tinapay, biskuwit, cookies at iba pang makakain ang mga nakiisa sa nobena na kung tawagin nila ay “paampaw”.
Ang masaya, makulay at natatanging bahagi ng kapistahan ni San Isidro sa Angono Rizal (nasa kalendaryo na ng Department of Tourism ang Pista ni San Isidro sa Angono) ay mapapansin sa bisperas at mismong araw ng kapistahan.
Pagsapit ng hapon tuwing bisperas ng kapistahan, sa pangunguna ng Hemano Mayor, ay nagsasagawa ng parada. Suot nila ang damit ng magsasaka at ang iba’y may buhat na replika ng pang-araro at suyod na gamit sa pag-aararo sa bukid. May banda ng musiko na tumugtog sa parada na umiikot sa kabayanan at natatapos sa harap ng kapilya ni San Isidro malapit sa bahay ng Hermano Mayor na may inihandang meryenda sa mga sumama sa parada.
Sa umaga naman, ang mga hiniram na kalabaw ng magsasaka na may makulay na bandana nakatali sa leeg at ulo ay dinadala sa harap ng simbahan. Matapos ang misa ng pasaalamat, ang mga kalabaw ay binibendisyunan, kasunod na nito ang masayang parada at prusisyon patungo sa Bloomingdale subdivision, Barangay San Pedro upang isagawa ang pagtatanim ng palay. Kasama sa parada ang mga batang babaeng may dalang bulubod ng palay na gagamitin sa pagtatanim.
Pagsapit ng parada sa Bloomingdale subdivision, sinisimlan na ang pag-aararo at pagsusuyod” ng mga kalabaw ng magsasaka. Kasunod ang pagtatanim ng palay ng mga batang babaeng manananim. Sinaliwan ng awiting “Magtanim ay Hindi Biro” na tinutugtog ng banda ng musiko. Habang natatapos ang pagtatanim ng palay, dumarating naman ang dalawang lalaking may bitbit na timba ng niluong ginatan na ipakakain sa mga batang babaeng nagtanim ng palay. Inilalagay ang ginatan sa o pinakinis na bao ng niyog.
Nagbabalik ang prusisyon sa kapilya ni san Isidro na malapit sa bahay ng Hermano mayor na naghihintay doon ang libreng pananghalian para sa lahat ng mga sumama sa parada at prisisyon.
Ang pista ni San Isidro ay isinasagawa rin sa San Isidro, Nueva Ecija, Bgy. San Guillermo, Morong, Rizal; Bgys. Paagahan, Nanguma Matala-tala, Mabitac, Laguna, Binan, Laguna, Lasam, Cagayan at iba pang bayan at barangay sa ating bansa na nagpapahalaga sa sektor ng mga magsasaka at nagpaparangal sa kanilang patron saint na si San Isidro.