MISS na miss na ni Jhong Hilario ang kanyang hostng job sa It’s Showtime. Umalis si Jhong sa programa nila ng mga kaibigan niyang sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro at marami pang iba last March para mangampanya bilang konsehal ng Makati.
Sinuwerte naman si Jhong na hindi lang basta nanalo kundi naging numero uno pang konsehal ng 1st District ng Makati. Pero kahit masayang-masaya siya sa pagkapanalo niya, gusto na rin daw niya sanang makabalik agad sa Showtime na napamahal na sa kanya nang husto.
“Ngayon, eh, kailangan ko munang makabawi ng pahinga. Sobrang napagod nang husto sa pangangampanya. Kailangan ko ngayon ng konting pahinga lang naman pero sa totoo lang talaga, eh, gustung-gusto ko na ring bumalik kasi sobrang na-miss ko lahat sila at pati na siyempre ‘yung show lalung-lalo na ‘yung ‘Tawag ng Tanghalan’,” sey ni Jhong.
Kahit isa na siyang public servant ngayon, gagawa at gagawa pa rin daw siya ng paraan na makakapag-host pa rin at puwede pa rin naman siyang tumanggap ng roles sa drama shows.
“Sobrang na-miss ko talaga ang madlang pipol at pati na siyempre ‘yung umarte pa rin talaga sa isang drama show mapatelebisyon man o pelikula,” banggit pa ng dancer/host turned award-winning actor.
Sa pagiging bagong konsehal sa Makati, may mga programa nang gustong isulong si Jhong. Gusto niyang maramdaman ng mga nasasakupan niya na hindi sila nagkamali sa pagboto sa kanya.
“Kagaya ng ipinangako ko sa kanila nu’ng nangampanya pa tayo, eh, gusto kong isulong ang programa para sa kabataan. Meron kasing dalawang programa na gusto ko talagang ituloy,” sey pa ni Jhong.
Pagbibigay ng trabaho sa mga kapuspalad at tulong sa deserving na kabataan para mahubog ang kaalaman bilang future public servant.
“Gusto kong matuto silang maging public servant, at least bata pa lang sila, eh, marunong na silang tumulong sa mga kapuspalad nating mga mamamayan,” sabi ng first timer sa pulitika na si Jhong. - Jimi Escala