WALA raw sa pangarap ng natalong aktres na kumandidato para senador na si Alma Moreno na tumakbo para sa naturang posisyon. Aniya, may mga nag-udyok lang sa kanya. Dahil daw hindi naman niya ambisyong maging senador ay madali niyang natanggap ang pagkatalo.
“Sa totoo lang, eh, hindi nga ako lumuha, eh. Pero kung nanalo siguro ako, eh, du’n siguro ako mapaiyak,” sey ni Alma nang samahan ang anak niyang si Vandolph Quizon na nagwaging isa sa mga konsehal ng Parañaque.
Lahad pa ni Alma, napapayag siya ng kumausap sa kanya para tumakbo for senator hindi lang para pagbigyan ito kundi ang subukan na rin at baka nga raw naman suwertihin siya. “May rason naman ang lahat. Kumbaga, si Lord, eh, may dahilan kung bakit ‘di ka nanalo.
Meron naman tayong mas magandang pupuntahan,” sey pa ni Alma.
Sa lumabas na resulta ng bilangan ay nasa 24th place ang pangalan ni Alma Moreno na mayroong mahigit dalawang milyong boto. “Nakakatuwa dahil may mga tao palang nagmamahal sa akin. Hindi biro ‘yung dalawang milyong bumoto sa akin. Kahit papaano, eh, hindi naman tayo ang nasa kulelat,” pailing-iling pang banggit ng semi-retired actress.
Samantala, ang bukod tanging reklamo ni Alma sa katatapos na eleksiyon ay ang mga gawa-gawang mensahe na hindi naman totoong galing sa kanya. Pinagpipistahan ng netizens ang pagkatalo niya dahil din sa social media posts na pinalalabas na sa kanya.
“Tigilan na nila ako, dapang-dapa na nga ‘yung tao at sobrang bumagsak na, eh, inaapakan pa nila. Huwag naman,” saad ni Ms. Alma Moreno.
(Jimi Escala)