Sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang namayagpag sa overseas absentee voting (OAV) ng mga Pinoy para maging bagong presidente at bise presidente ng bansa.

Base sa datos ni inilabas ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon hinggil sa idinaos na OAV, nanguna si Duterte sa hanay ng mga presidentiable matapos makakuha ng 313,346 na boto, na sinundan ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas, na may 41,263 boto.

Nakakuha ng pinakamaraming boto ang alkalde sa iba’t ibang Philippine post maliban sa Vatican, na umani si Roxas ng 98 boto kumpara sa 74 ni Duterte.

Kabilang sa mga siyudad at bansang namayagpag si Duterte ang Qatar, Singapore, Saudi Arabia, Hong Kong, Abu Dhabi, United States, Canada, Tokyo, Canberra, Athens, Berlin, Berne, Brunei, Muscat, Amman, Paris, Wellington, at Taiwan.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Sa posisyon ng bise presidente, nanguna si Marcos na may 176,669 na boto, na sinundan ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na may 89,935 boto.

Nanguna si Marcos sa karamihan ng 49 na Philippine post habang ang natitirang 10 ay nakopo ni Robredo.

Ang 10 lugar na namayagpag si Robredo ay ang Agana, United States, Canberra, Jakarta, Vatican, New Delhi, Yangon, Berne, The Hague, at Port Moresby.

Sinabi ng Comelec-Office for Overseas Voting (OFOV) na aabot sa 432,706 na overseas Filipino voter ang nakaboto nitong Lunes, o 31.44% voter turnout mula sa 1.3 milyong rehistradong overseas Pinoy voter. - Leslie Ann G. Aquino