Kinuha ng Centro Escolar University (CEU) si Mike Buendia bilang head coach ng juniors basketball team.

Ayon kay Buendia, isa sa assistant coach ni Yeng Guiao sa Rain or Shine sa PBA, na nagsimula na siyang mag-ensayo sa CEU noon pang Pebrero matapos italagang head coach ng senior team si Yong Garcia.

Pinalitan ni Garcia si Egay Macaraya na lumipat sa San Sebastian College para sa pagbubukas ng NCAA season sa Hunyo.

“Nagkaroon naman ng understanding with the owners and management na they’ll accept me basta kapag nagkaroon ng conflict sa Rain or Shine, priority ko ‘yung Rain,” sambit ni Buendia.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Gagabayan ni Buendia ang koponan na nagwaging kampeon sa Naascu sa nakalipas na taon. Tangan ng koponan ang kampeonato mula 2011 hanggang 2013.

Inamin ni Buendia na malaking hamon sa kanya na maipagpatuloy ang tradisyon at matikas na programa ng CEU.

“In my few months, I see na maganda mag-alaga ang CEU. Maganda rin ang recruitment. ‘Yung na-inherit ko na team, basically guard-heavy pero ‘yung mga guards, hindi na pang-juniors. They are ready to step up sa Naascu,” aniya.

Sa kabila nito, iginiit ni Buendia ang pangangailangan ng koponan para sa matikas at maasahang ‘big men’.

“Ang kulang lang sa amin ay lehitimong sentro. Sana maka-recruit kami ng big man dahil set na ‘yung mga guard namin. We are a small school compared sa mga UAAP and NCAA. Kung may makukuha kami na diamond in the rough sa probinsya, ‘yun ang kailangan namin,” pahayag ni Buendia.