Ni ALEXANDER D. LOPEZ

DAVAO CITY - “Ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa buhay ng bagong pangulo.”

Ito ang paliwanag ni Peter Tiu Laviña, tagapagsalita ni presumptive President Rodrigo Duterte kaugnay ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng Police Regional Office (PRO)-11 para sa alkalde ng Davao City.

“With incoming president staying in Davao City, it is necessary to provide full security and protection the way we protect the highest official of the country,” dagdag ni Laviña.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Binigyang-diin niya na si Duterte na ngayon ang pinakamahalagang tao sa bansa, kasunod ni Pangulong Aquino.

Nagpapatupad ang PRO-11 ng mahigpit na seguridad partikular na sa mga access road patungo sa mga hotel at sa iba pang lugar na binisita ni Duterte noong nakaraang linggo.

Sinabi kahapon ni PRO-11 Spokesperson Chief Insp. Andrea Dela Cerna na pinagkakalooban ng pulisya ng area security ang alkalde partikular sa mga pampublikong lugar na pupuntahan nito sa siyudad.

“We understand that the incoming president is now resting and staying with his family in Davao City. We have to beef up the security of the areas where he is staying,” paliwanag ni Dela Cerna.

Sinabi naman ni Davao City Police Office (DCPO) Spokesperson Chief Insp. Milgrace Driz na kabilang sa mga pulis na nagbibigay ng seguridad kay Duterte ang mga grupo mula sa Special Weapons and Tactics (SWAT) at mga pulis na may SWAT training na nakatalaga sa iba’t ibang himpilan.

Ayon kay Driz, pinaigting na rin nila ang intelligence monitoring activities bilang bahagi ng pagtiyak sa seguridad ng bagong presidente ng bansa.