Ang bagong tatag na Sandiganbayan Sixth Division ang hahawak sa kaso ng graft ni dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima at ni dating Chief Supt. Raul Petrasanta kaugnay ng umano’y maanomalyang pagkuha sa serbisyo ng isang courier company sa paghahatid ng mga lisensiya ng baril.

Ito ay matapos ang isinagawang rafle sa Sandiganbayan upang matukoy kung aling sangay ang nakatoka sa kasong graft laban sa dalawang dating opisyal ng PNP.

Bukod kina Purisima at Petrasanta, kasama rin sa charge sheet ang mga aktibo at retiradong opisyal ng PNP na sina Napoleon Estilles, Allan Parreno, Eduardo Acierto, Melchor Reyes, Lenbell Fabia, Sonia Calixto, Nelson Bautista, at Ricardo Zapata Jr.

Kinasuhan din ang mga opisyal ng Werfast Documentation Agency, Inc., na sina Ford Tuason, Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerio, Lorna Perena, at Juliana Pasia.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nag-ugat ang kaso nang gawing requirement ng PNP ang paghahatid ng lisensiya ng baril sa pamamagitan ng courier service na Werfast noong 2011.

Subalit iginiit ng Ombudsman na bigo ang Werfast na makatugon sa mga regulasyon ng gobyerno para sa courier service, tulad ng pagpaparehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), pagkuha ng awtorisasyon sa Department of Transportation and Communications (DoTC) para sa operasyon ng delivery service, akreditasyon sa Department of Science and Technology (DoST), at akreditasyon sa PNP. - Jeffrey G. Damicog