Masiglang musika ng banda ang gigising sa Barangay Napindan, Taguig City ngayong Linggo upang ipagdiwang ang kapistahan ni San Isidro Labrador, ang patron ng magsasaka.
Pagsasaka ang naging hanapbuhay ng mga ama ng tahanan sa Napindan doon kaya si San Isidro ang patron ng barangay.
Sisimulan ang kapistahan sa misang pang-umaga ni Rev. Fr. Lito Jimenez, kura paroko ng IFI San Isidro Parish.
May binyagan, kumpil, palaro, at mga paligsahan para sa mamamayan na may nakalaang gantimpala mula sa masipag na si Barangay Kapitana Anna R. San Pedro at kay Taguig City Councilor Gamie N. San Pedro.
Tampok sa prusisyon sa gabi ang mga babae at lalaki na nakasuot ng Filipiniana, at may dalang basket ng gulay at prutas.
Anupa’t sa kabila ng modernisasyon at paparaming populasyon na may malaking epekto sa agrikultura, patuloy ang pananampalataya at tradisyon sa Bgy. Napindan sa Taguig City. - Daisy Lou C. Talampas