Ni MARY ANN SANTIAGO

Credible ang isinasagawang quick count o partial at unofficial tally ng mga boto para sa mga kandidato sa pagka-bise presidente ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), batay sa isinagawang “anomaly tests” dito nitong Biyernes ng gabi.

Ito ay kasunod ng mga alegasyong pinasok ang security ng transparency server para paboran si vice presidential bet Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na pambato ng Liberal Party (LP) ng administrasyon.

Ayon kay PPCRV Communications Director Ana de Villa-Singson, nagsagawa ang kanilang IT personnel ng mga anomaly test sa server at natuklasan nilang nananatiling “untouched” ang mga datos na nai-transmit ng mga vote-counting machine (VCM).

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“We ran several anomaly tests to demonstrate the credibility of the partial unofficial results. No single anomaly found,” pagtiyak kahapon ni Singson.

Nilinaw din ni Singson na dati nang nagsasagawa ng anomaly tests ang PPCRV pagkatapos ng eleksiyon, ngunit napaaga ito ngayong taon dahil nakuwestiyon ang kredibilidad ng resulta ng eleksiyon sa alegasyon ng dayaan mula sa kampo ni Sen. Bongbong Marcos.

Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang quick count o partial at unofficial tally ng PPCRV, sa kabila ng hiling ng kampo ni Marcos na itigil ito upang hindi lumikha ng kalituhan.

Ayon kay Singson, wala pa silang anumang natatanggap na abiso mula sa Commission on Elections (Comelec) kung ihihinto ang quick count.

Plano rin nilang humingi ng paglilinaw hinggil dito, dahil ang nais umanong mangyari ni Comelec Chairman Andres Bautista ay 100 porsiyentong matapos ang quick count.

Hanggang sa kasalukuyan ay marami pang boto ang kailangang bilangin ng PPCRV, lalo at nagdaos pa ng special elections kahapon sa ilang clustered precinct sa may 11 lalawigan.

Batay naman sa huling tally ng PPCRV, dakong 2:45 ng hapon kahapon ay nananatiling landslide ang panalo ni presumptive President Rodrigo Duterte, na nakakuha na ng 15,957,615 boto (38.59%) o lamang ng mahigit na anim na milyong boto sa kanyang mga nakalaban.

Si Robredo pa rin ang nangunguna sa VP race sa nakuhang boto na 14,015,098 (35.12%), kasunod si Marcos na may botong 13,799,034 (34.58%), o may lamang na 216,064 si Robredo.

Umaabot na sa 90,563 clustered precinct ang natapos nang bilangin ng PPCRV, o 96.06% ng kabuuang 92,509 clustered precinct sa bansa.