Bagamat hindi pinalad na mahalal bilang senador sa nakaraang halalan, determinado pa rin si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na isulong sa Kamara ang hakbang na i-override ang presidential veto sa P2,000 dagdag pensiyon sa mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS).

Hiniling ni Colmenares kay Speaker Feliciano Belmonte na pagtuunan ng panahon ang talakayan sa panukalang i-override ng Kamara ang pag-veto ni Pangulong Aquino sa panukalang pension hike sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo 23.

“Tapos na po ang eleksiyon at patapos na rin ang gobyernong Aquino, sana naman po ay ibigay na natin ang nararapat para sa mga SSS pensioner,” pahayag ni Colmenares.

Iginiit ng opposition congressman na mamamatay ang kontrobersiya na idinulot ng pag-veto ni PNoy sa panukalang pension hike bagamat ito’y inaprubahan na ng Kongreso.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“I ask Speaker Belmonte and Majority Leader Boyet Gonzales to allow the motion,” giit ni Colmenares.

Natakdang magbalik-sesyon ang Kongreso sa Mayo 23, sa pagsasagawa ng joint session ng National Board of Canvassers na magbibilang ng boto para sa posisyon ng presidente at bise presidente at kalaunan ay ipoproklama ang nagwagi sa halalan.

“As of now we have 95 congressmen and women who have signed the resolution and we hope to reach the required number when session resumes. We are thankful of the Congressmen who supported the fight,” dagdag ng senior deputy minority leader. - Ben Rosario