Ni MADEL SABATER NAMIT

Nanawagan ang Malacañang sa publiko na bigyan ng pagkakataon ang Commission on Elections (Comelec) na resolbahin ang isyu na kinasasangkutan ng elections technology provider na Smartmatic.

Ito ay matapos irekomenda ng Comelec na imbestigahan ang Smartmatic dahil sa pagpapalit ng script sa transparency server nang walang kaukulang abiso sa poll body.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na inirerespeto ng Malacañang ang independence ng Comelec bilang isang institusyon.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Hindi ito nasa ilalim ng executive (department). Ang magagawa lang natin ay gabayan ang mga mamamayan na dapat maging maayos at may integridad ang ating eleksiyon,” giit ni Coloma.

“Nakita naman natin na isasagawa ng Comelec ‘yung pagsisiyasat sa mga naiulat na mga pagbabago sa kanilang sistema. Siguro bigyan muna natin sila ng pagkakataon na maresolba muna ‘yang usapin na iyan,” dagdag ni Coloma.

Samantala, sinabi ni Coloma na bagamat naging matahimik sa pangkalahatan ang halalan nitong Lunes, marami pang maaaring gawin upang mapabuti ang mga susunod na eleksiyon.

“The biggest room in the world is room for improvement,” ayon sa opisyal.

Aniya, malaki ang maitutulong ng mamamayan sa Comelec sa pamamagitan ng pagbibigay ng suhestiyon base sa kanilang naging karanasan sa nakaraang halalan.