HANDOG ng GMA Heart of Asia ang isang kuwento na tumatalakay sa karamdamang dissociative identity disorder. Sa koreanovelang Love Me, Heal Me, nagkaroon ng nasabing karamdaman si Julian (Ji Sung) nang masangkot sa iba’t ibang kasawian sa buhay.
Sa tulong ng first year psychiatry resident na si Regine (Hwang Jung Eum), susubukan niyang pigilan ang anim pa niyang personalidad para mapatakbo nang maayos ang negosyo ng kanyang pamilya.
Kabilang sa kanyang mga personalidad si Ziggy, isang lalaking mainitin ang ulo at ang tanging may hawak sa mga alaala ni Julian; si Perry Park isang matandang lalaki na mahilig sa pagkukumpuni ng mga bomba at merong punto ang pananalita; si Joseph, matalinong binata pero gustong magpakamatay; si Jonah, ang kakambal na babae ni Joseph na mahilig sa mga artista. Lumalabas ang personalidad niyang ito sa tuwing nakararanas si Julian ng matinding emosyon.
Samantala, isang batang babae naman na si Nana ang sumisimbolo sa mga kinatatakutan ni Julian. Panghuli ay si Mr. X, isang misteryosong lalaki na may itinatagong malaking sikreto.
Sa pagkakaroon ng iba’t ibang katauhan ni Julian, magawa pa kaya niyang makilala ang totoong sarili? Paano siya matutulungan ni Regine? Mauwi kaya sa mas malalim na ugnayan ang dalawa? Sundan ang kakaibang kuwentong ito tuwing Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Because of You sa GMA.