Anim na miyembro ng isang kidnap-for-ransom gang ang sinentensiyahan ng pagkakakulong ng habambuhay ng Balanga Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng pagdukot sa isang Indian at sa Pinoy na driver ng huli sa Pilar, Bataan noong 2009.
Dahil dito, pinuri ng Department of Justice (DoJ) ang Prosecution Services nito matapos mapatawan ng parusa sina Sesenando Martin, Gallardo Martin, Leonardo Alincastre, Nestor Juliano, Rammil Calma, at Cristina Mendoza.
“This will send a strong message to criminals that the country's justice system is at work. However, the immediate and utmost cooperation of the victims' relatives and families with authorities also play a major factor in the government's victory against kidnapping for ransom activities,” pahayag ni Justice Secretary Emmanuel Caparas.
Sa 33-pahinang desisyon, idineklara ng Balanga RTC Branch na guilty ang anim sa kasong kidnapping, base sa Revised Penal Code na inamyemdahan ng RA 7659.
Bukod sa pagkakakulong, inatasan din ng korte ang anim ng bayaran ang mga biktimang sina Yasar Irfan at Reymond Baricas bilang danyos.
Unang humingi ang mga kidnapper ng P50 milyon bilang ransom sa dalawang biktima subalit kalaunan ay pumayag din ang mga ito sa P400,000 na alok ng pamilya ni Irfan. - Jeffrey G. Damicog