SA taunang pagpapalit ng panahon sa Pilipinas, nakaaapekto sa ating bansa ngayon ang pandaigdigang kambal na phenomena ng El Niño at La Niña, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.
Ang El Niño, na nagpapainit sa equatorial Pacific, ang sinisisi sa matinding tagtuyot sa maraming panig ng Pilipinas sa nakalipas na mga buwan. Sinira ng tagtuyot ang mga tanim na palay at iba pang mga pananim sa 28 lalawigan sa bansa, habang 23 iba pang probinsiya ang dumanas ng hindi ganun katinding tagtuyot.
Ngayong Mayo, nagsimula nang manghina ang El Niño, ayon sa PAGASA, at inaasahang magbabalik na sa normal ang panahon sa kalagitnaan ng taon. At, sa ikalawang bahagi ng 2016, inaasahang bubulusok ang temperatura ng dagat sa quatorial Pacific, at ang mas malamig kaysa karaniwang hangin ay magbubunsod ng mga bagyo at malakas na ulan sa maraming lugar. Mula sa tagtuyot sa nakalipas na mga buwan, dapat naman nating paghandaan ang mga bagyo at malakas na ulan, ayon sa PAGASA.
Magkakaroon ng iba pang mga komplikasyon sa klima—mga inter-tropical convergence zone, low-pressure area, tropical cyclone, at bagyo. Dahil sa La Niña, titindi pa ang karaniwan nang panahon ng magkakasunod na bagyo, babala ng kawanihang pamanahon.
Isang malaking ginhawa ang pag-uulan sa hapon na nagsisimula nang maranasan sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong Mayo. Ngunit sa ating kasiyahan sa pagsalubong sa biyaya ng ulan matapos ang matagal na panahon ng alinsangan at tagtuyot, hindi natin dapat na balewalain ang babala kaugnay ng pag-aaral ng PAGASA tungkol sa nagbabagong panahon sa mundo.
Ang La Niña noong 2008 ay nagdulot ng matitinding pag-ulan sa Malaysia, Pilipinas, at Indonesia. Nagbunsod naman ng mga pagbaha ang La Niña noong 2010-2011 sa Queensland, Australia, biglaang pag-ulan ng yelo sa North America, mapaminsalang buhawi sa US South at Midwest, at pitong magkakasunod na araw na walang tigil na pag-ulan sa California.
Nagbabala ang PAGASA na hindi karaniwang tag-ulan ang mararanasan ng Pilipinas sa mga susunod na buwan. Isa itong panahon ng La Niña, kaya dapat na simulan na ng mga lokal na pamahalaan ang paghahanda sa kani-kanilang programan kontra baha. Para sa mamamayan, dapat nang simulan ngayon ang pagkukumpuni sa mga sira ng bubong, paghahanda ng mga emergency kit, at pagtukoy sa mga posibleng paglikas kung sakaling magkakaroon ng biglaang pagbaha.
Sapat at maagap ang babala ng PAGASA. Mahalagang tumalima tayo.