“Mahigit nang isang taon, subalit naririnig ko pa rin ang kanilang sigaw sa paghingi ng tulong.”

Ito ang binitawan ni Myrna Pisaw, 31, tungkol sa madilim na alaalang iniwan ng trahedya, na 74 na obrero ang namatay sa sunog sa Kentex factory sa Barangay Ugong, Valenzuela City, noong Mayo 13, 2015.

Dating nagtatrabaho sa chemical department ng Kentex, sinabi ni Pisaw na nagsimula ang sunog dakong 11:00 ng umaga. Sariwa pa rin sa kanyang alaala ang kanyang pagtakas sa sunog habang sumisigaw sa kanyang likuran ang ibang obrero na naipit sa apoy.

“Gusto ko po silang tulungan pero natakot ako. Pero ngayon, hindi na ako matatakot para ipaglaban ang hustisya para sa kanila,” giit ni Pisaw.

National

DOH, nilinaw na hindi kumpirmado kumakalat na umano’y ‘international health concern’

Aniya, ang hangad niya ay hustisya at hindi salapi dahil hindi maibabalik ng huli ang buhay ng mga namatay sa sunog.

“Umaapela po kami sa gobyerno na i-prioritize ang kasong ito at huwag ibaon sa limot. Kailangan po namin ng hustisya at hindi pera,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng Kentex fire survivor na hanggang hindi nabibigyan ng hustisya ang mga namatay sa sunog, hindi matatahimik ang kanilang kaluluwa.

Hangad naman ni Ammied Rada, 33, tagapagsalita ng mga biktima ng Kentex fire, na makulong sina Beato Ang, pangulo ng Kentex Manufacturing Corp.; at Ong King Guan, general manager. Kabilang sa mga namatay ang dalawang kapatid ni Rada.

Sinabi ni Rada na ang tanging tulong na natanggap nila mula sa Kentex management ay dalawang food pack, mga bulaklak at P5,700. - Jel Santos