ISANG talunang kandidato ang nagprotesta. Sabi niya, “Hindi ko matatanggap na natalo ako!” “Bakit n’yo nasabi ‘yan, sir?” tanong sa kanya. At sumagot ang kandidato ng, “Dahil nang bumoto ako at aking mga tagasuporta, lahat ng machine ay nagsabi ng: ‘Congratulations!’”
Matapos ang national at local election, panahon na para magkaisa ang mga Pilipino, paghilumin ang mga sugat dulot ng pagbabatuhan ng putik, at magkahinahunan.
Ngunit siyempre, hindi ito ganoon kadali para sa mga kandidato. Gayunman, kung kinakailangan ng mga pruweba na mayroong iregularidad, maaaring magdaos ng protesta sa Comelec.
Ngunit kailangan natin itong ikonsidera: Ang gulong ng hustisya sa ating bansa ay nakapabagal. Sa ilang mga kaso, kapag naresolba ang kaso, tapos na ang termino ng pulitiko. Huli na ang lahat.
Para sa mga natalo sa eleksiyon, hindi pa ito ang katapusan ng mundo.
Natatandaan niyo ba si Abraham Lincoln, isa sa pinakamahuhusay na president ng USA?
Alam niyo ba na kilala siya bilang talunan sa pulitika sa US? Siya ay ipinanganak na “born loser” o “napakamalas.” Hindi lang siya sa pulitika nabigo, kundi maging sa negosyo.
Taong 1832, natalo si Lincoln sa kongreso at nabigo sa negosyo; 1833, muli siyang nabigo sa negosyo; taong 1839, siya ay naihalal sa lehislatura; taong 1835, namatay ang kanyang kasintahan; taong 1836, siya ay nagkaroon ng nervous breakdown; taong 1838, siya ay natalo sa speakership.
Taong 1843, inalisan siya ng posisyon sa Kongreso; taong 1846, muli siyang naupo sa Kongreso; taong 1848, muli siyang natalo; taong 1855, tumakbo siyang senador ngunit natalo siya; taong 1856, tumakbo siyang vice president ngunit natalo; taong 1858, sinubukan uli niya sa Senado ngunit talo pa rin; at pagsapit ng 1860, siya ang hinirang na president.
Makailang ulit mang nabigo at nalugmok, hindi sumuko si Abraham Lincoln.
Gaya nga ng sinabit ng manunulat na si William Ward, “Failure should challenge us to new heights of accomplishment and not pull us to new depths of despair.”
Pansamantala lamang ang kabiguan, hindi ito ang katapusan.