BILANG pagkilala sa katotohanang mahalaga ang papel na ginagampanan ng pamilya sa pagtiyak sa kapakanan ng bawat miyembro nito, pagkatuto at pakikisama ng mga bata at kabataan, at pangangalaga sa mga paslit at matatanda, ipinatupad ng United Nations (UN) ang tema ng paggunita sa International Day of Families (IDF) ngayon na, “Families, Healthy Lives, and Sustainable Future.” Nakatuon ang tema sa Sustainable Development Goal 3: Tiyaking malusog ang pamumuhay at isulong ang kabutihan ng lahat, anuman ang edad.
Sa Resolution 44/82 noong Disyembre 9, 1989, iprinoklama ng UN General Assembly ang International Year of the Family (IYF), katuwang ang UN Commission for Social Development (CSD) at ang Economic and Social Council (ESC) bilang mga sangay na mangangasiwa sa paghahanda at pag-uugnayan, ayon sa pagkakasunod. Hinihimok ng General Assembly ang mga miyembrong estado nito na mag-organisa ng mga aktibidad para sa paggunita ng okasyon sa lokal, pangrehiyon at pambansang antas, sa pakikipagtulungan ng UN. Iprinoklama ng General Assembly Resolution A/RES/47/237 ang IDF noong 1994 upang ipagdiwang tuwing Mayo 15 ng bawat taon. Layunin ng taunang paggunita sa IDF na magsilbing okasyon para sa pagsusulong ng pinaigting na kamulatan sa mga usaping may kinalaman sa pamilya at pagtataguyod ng kaalaman sa mga prosesong panlipunan, pang-ekonomiya, at demograpiya na nakaaapekto sa mga pamilya.
Sa nakalipas na mga dekada, nasaksihan kung paanong nalantad ang mga pamilya sa panganib ng mga puwersang nagbubunsod ng pagkakawatak-watak, at nagdudulot ng matitinding problema sa mga kasapi nito. Sa kabila nito, ang mga pamilya, bilang ang pangunahing institusyon ng lipunan, ay nananatiling maimpluwensiya at kritikal sa paghubog sa kaisipan, emosyon at sa pananaw sa mundo ng isang indibiduwal. Dahil dito, nauunawaan ng UN ang pangangailangan na gawing prioridad ang pamilya sa implementasyon ng Sustainable Development Goals, partikular na dahil may potensiyal ang mga ito na mapabilis ang mga pagsasakatuparan sa maraming target na may kaugnayan sa kabutihan ng mga indibiduwal. Ang mga polisiyang pampamilya, pagtiyak na nababalanse ang trabaho at pamilya para sa mga magulang, at pagbibigay-kapangyarihan sa mga magulang at matatandang kasapi ng pamilya na masiguro ang kalusugan, edukasyon, at kapakanan ng bawat miyembro ay napatunayang nakapag-aambag sa pangkalahatang kaunlaran.
Sa paggunita natin sa 2016 International Day of Families, ipagdiwang natin ang pamilya bilang isang institusyon. At ano pa nga ba ang mas mabuting paraan ng pagdiriwang ng pamilya kundi ang paghimok at pagsusulong ng mga polisiya at programa na magdadagdag sa kita at makakasapat sa serbisyong kailangan ng pamilya upang matiyak na kumpleto ang pangangalagang pangkalusugan; patibayin ang pagmamahalan ng bawat miyembro; at masiguro ang kakayahan ng mga magulang na magkaloob ng sapat na pag-aaruga sa mga nakababatang kasapi hindi lamang para manatili silang malusog ang pangangatawan kundi upang makapagbigay ng suportang emosyonal at gabay sa moralidad. Ang pagpapatatag sa pamilya ay pagpapatatag sa mga haligi ng lipunan.