Naglabas na ang Sandiganbayan Second Division ng hold departure order (HDO) laban kay dating Davao del Norte Rep. Arrel Olano na kinasuhan dahil sa umano’y paglustay sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), na mas kilala bilang “pork barrel” fund.

Kinasuhan si Olano ng tatlong bilang ng graft, tatlong bilang ng malversation, at isang direct bribery dahil sa pagkakasangkot nito sa PDAF scam.

Kasama niyang kinasuhan ng graft at malversation, na isinailalim din sa HDO, sina Janet Lim Napoles, Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Mario Relampagos, at ang mga dating DBM employee na sina Rosario Nuñez, Marilou Bare, at Lalaine Paule; dating Technology Resource Center (TRC) Director General Antonio Ortiz; dating TRC Deputy Director General Dennis Cunanan; at dating mga group manager na sina Maria Rosalinda Lacsamana at Francisco Figura; dating TRC Internal Auditor Maurine Dimaranan; dating Budget Officer Consuelo Lilan Espiritu; at dating Chief Accountant Marivic Jover.

Nakasaad sa charge sheet na tumanggap si Olano ng P3.175 milyon kay Napoles bilang kickback bilang kapalit ng paggamit sa mga pekeng non-government organization na itinatag ng huli upang pondohan ng PDAF ng kongresista.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Noong 2007, napag-alaman ng Ombudsman na umabot sa P7.72 milyon ng PDAF ni Olano ang inilaan sa dalawang NGO ni Napoles—Countrywide Agri and Rural Economic Development Foundation, Inc. (CARED), at Philippine Social Development Foundation, Inc.

Ayon sa Ombudsman, walang anumang proyekto sa ilalim ng PDAF ni Olano ang naipatupad ng dalawang nabanggit na NGO. - Jeffrey G. Damicog