Ni MARY ANN SANTIAGO

Umapela ang isang pari kay presumptive President Rodrigo Duterte na sa sandaling maluklok ito sa puwesto ay paimbestigahan ang administrasyong Aquino hinggil sa aniya’y mga hindi nagamit na bilyon-pisong donasyon para sa mga sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’.

Ayon kay Father Edwin Gariguez, executive secretary ng Caritas Philippines, may karapatan ang publiko, partikular ang mga biktima ng Yolanda, na malaman kung saan napunta o kung paano ginastos ang bilyun-bilyong piso mula sa foreign donors.

Giit ni Gariguez, isa ang naturang isyu sa mahahalagang agenda na dapat na agad na tugunan ng administrasyong Duterte, na una nang nangako na magiging diktador laban sa kurapsiyon at kriminalidad sa bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Isang magandang simula, aniya, kung iimbestigahan ni Duterte ang Yolanda funds, lalo na at ipinangako ng alkalde ng Davao City na tuluyan nang tutuldukan ang iregularidad sa gobyerno.

Sinabi ni Gariguez na mahigit dalawang taon na ang nakalilipas matapos manalasa ang Yolanda pero marami pa ring biktima nito ang naghihintay ng tulong mula sa gobyerno, gayung batid naman ng lahat na bilyun-bilyong pisong donasyon ang tinanggap ng Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa at pandaigdigang organisasyon matapos manalasa ang Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.

Tiniyak ni Gariguez na patuloy silang makikipag-ugnayan sa gobyerno para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng Yolanda sa Eastern Visayas at sa iba pang programa ng gobyerno para sa mahihirap.

Batay sa record ng Foreign Aid Transparency Hub, tumanggap ang Pilipinas ng US$386.2 million (P18 bilyon) foreign aid para sa mga sinalanta ng Yolanda.