Ni NITZ MIRALLES
SINAGOT ni Gabbi Garcia at ng kanyang kampo ang akusasyon ng isang talent manager (yata) ng isang dance group na nag-asal prima donna siya sa isang event sa Bataan. Lumabas sa isang open letter sa Facebook ang akusasyon kay Gabbi at ang kampo niya.
Nakasaad sa post ng isang Jovan dela Cruz na nakaranas daw siya at ang kanyang talents ng “inhumane treatment” kay Gabbi at mga kasama nang hindi na sila pasakayin sa van pabalik ng Manila. Habang nagpe-perform pa raw ang Good Vibes dancers, inalis na ang mga gamit nila sa van, inilagay lang sa tabi ng stage, at umalis na ang sasakyan.
Na-bash at na-bully si Gabbi nang mabasa ang open letter sa FB at kabilang si Rosanna Roces sa mga nag-react. Post ni Rosanna, “Wala pang nararating nagkukupal na... sabihin n’yo dyan P----g Ina Niya galing sa akin_ Osang.”
Sinundan ito ng isa pang post ng “walang matutuwa sa inaasal nyan... Pakikisama ang unang pinag-aaralan niya dapat... di pa siya sikat ganyan na sino ba yan? Asar ako sa mga ugaling ganyan. Di marunong makipag kapwa tao.”
Sumagot ang kampo ni Gabbi sa pamamagitan ni Mr. Simoun Ferrer, assistant vice president fot talent imaging and marketing ng GMA Artist Center.
Heto ang official statement ni Simoun:
“First of all, we would like to clarify na walang kinalaman ang artist namin na si Gabbi Garcia sa issue.
“We initially requested for Gabbi to have her own van going to the venue, because she will be coming from another engagement.
“At kahit na di natupad ang original na usapan sa transportation arrangements, we adjusted and agreed to let Gabbi share the van with the other performers.
“When the team reached the venue, aside from the original agreed scope of work, nag-adjust kami muli and even accommodated the additional requests made by the organizers.
“However, nakiusap na talaga kami na bigyan ng sariling transpo si Gabbi dahil pagod na siya, masama na ang pakiramdam niya, at nagkaroon pa siya ng mga kalmot from the event.
“The organizer told us na they will allow Gabbi to go ahead and use the van, and the organizer even said, ‘Sige, gawan ko na lang ng paraan. Ako na lang bahala sa kanila, which was reiterated to one of our specialists in GMA Artist Center.
“Dahil dun sa sinabi ng organizer, nakampante na kami na mauna nang umuwi.
“The next day, because of the Facebook post of Jovan, we were surprised to find out na nag-bus ang ibang performers.
“Wala kaming kamalay-malay na ganun pala ang nangyari kasi nga sinabi ng organizer na siya na daw ang bahala sa transpo nila.
“Let me just repeat na sa lahat ng ito, never nakisali si Gabbi sa usapan, dahil siya ay nagpapahinga lamang sa loob ng van.
“As of this message, nakausap na ng management team ni Gabbi si Jovan, at binaba na ni Jovan ang kanyang post dahil in-acknowledge niya na walang kinalaman si Gabbi sa pangyayari, at naging biktima lang si Gabbi sa sitwasyon na ito.
“Dahil sa post ni Jovan, naging biktima ng cyberbullying si Gabbi, na isang menor de edad.
“Thank you for giving us the opportunity to give our side. We hope this clarifies the issue.”