BILANG pagtupad sa pangako at commitment sa transparency o pagiging bukas, sinabi ni President Rody (ito ang gustong itawag sa kanya kaysa Digong), isusulong niya agad ang pagtalakay at pagpapatibay sa Freedom of Information (FOI) bill kapag naiproklama na siya bilang bagong pangulo. Kakaiba kay Pangulong Aquino, nais ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (RRD) na ihayag sa publiko, sa pamamagitan ng mass media, ang lahat ng transaksiyon na pinasukan ng gobyerno at iladlad ang mga dokumento upang masiguro na walang palusot o anomalya.
Ang FOI na ipinangako ni PNoy noong 2010 elections na pagtitibayin ay nanatiling nakabalaho sa Kongreso. Sa Senado ay ipinasa ito ng komite ni Sen. Grace Poe, pero nanatiling “nakahimlay” sa plenaryo ng Kamara na pawang kaalyado niya. Hindi niya tinupad na ipaglalaban ito. Hindi siya katulad ni RRD na uunahin ito at hihimukin ang Kongreso na aprubahan agad upang magkaroon ng access ang taumbayan na mabulatlat ang mga dokumento at transaksiyon na pinasukan ng pamahalaan.
Sabi nga ng maverick President na si Mang Rody na baka hindi na niya hintayin pa ang pagkilos ng Kongreso sa FOI kapag kukupad-kupad ito. Iuutos na lang niya sa lahat ng tanggapan ng gobyerno na “buksan at ipakita ang mga dokumento” para masuri ng mamamayan upang maiwaksi ang ano mang hibo ng kurapsiyon. “Hindi dapat matakot ang mga pinuno ng pamahalaan kung wala silang itinatago,” badya ni RRD.
Binara ng kampo ni Duterte ang pahayag ng Malacañang na ang kanyang landslide victory ay hindi pagkatalo ng PNoy administration o ng plataporma ng “Tuwid na Daan”. Ayon sa grupo ni RRD, ang nakaraang eleksiyon ay isang referendum sa admin ng binatang Pangulo. “This victory really is an expression of protest against the present government. The people have lost their patience they kept for many years,” pahayag ni lawyer Vitaliano Aguirre II, puno ng legal team ni RRD.
Bumuo na si President Rody ng isang komite na magsisilbing transition team na makikipag-ugnayan sa grupo ni Pangulong Aquino para sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan sa Hunyo 30. Kabilang sa mga miyembro ng RRD transition team ay sina Spokesman Peter Lavina, Leoncio Evasco, Christopher Go, ex-Agriculture Sec. Carlos “Sonny” Dominguez, at lawyers Salvador Medialdea at Loreto Ata.
Si Executive Sec. Paquito Ochoa naman ang magiging puno ng admin transition team.
Si Dominguez ay high school classmate ni RRD at puno ng kanyang campaign finance committee, samantalang sina Medialdea at Ata ay personal lawyers ni Duterte. Sinu-sino pa kaya ang ilalagay niya sa kanyang Gabinete? Itutuloy kaya niya ang pagpapalaya kay ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo na labis na pinahirapan ng mapaghiganting si PNoy?
Siyanga pala, nang malaman daw ni RRD na kumakampanya si PNoy para kay Mar Roxas at binibira siya bilang isang future dictator, ganito ang sinabi niya: “Mr. President, matulog ka na lang.” Tanong ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko: “Saan patutulugin, sa bilangguan ba?” Hindi papayagan ni RDD na magpatuloy ang “5-6” na pagpapautang ng mga Bombay (Indians) sa bansa. Kakausapin daw niya ang Indian Ambassador at sasabihing itigil ang ganitong operasyon. Kung hindi, ipade-deport niya ang mga 5-6 operator.
Kung si Pres. Aquino raw ay tinatawag na PNoy, ano raw kaya ang itatawag kay President Rody. Sa social media, may nagmungkahing tawagin siyang “P-Dig”; “P-Rod”; o kaya’y “P-Diggy”. Ano sa palagay ninyo ang angkop na palayaw sa kanya?