LEGAZPI CITY - Muling ipinahayag ng mga Albayano ang kanilang tiwala at pagpapahalaga kay Gov. Joey Salceda makaraan nilang bigyan ng 92 porsiyento ng botong mandato ang huli bilang kinatawan sa Kongreso ng ikalawang distrito ng lalawigan.

“Dios Mabalos saindo gabos (Salamat sa inyong lahat). Mapagkumbaba kong tinatanggap ang inyong utos. Patuloy at sama-sama tayong magtulungan upang lalong isulong ang pag-unlad ng ating Capital District ng Albay,” pahayag ng gobernador, na sa susunod na buwan ay magtatapos ng siyam na taon niyang panunungkulan.

Si Salceda ang utak at instrumento sa pag-unlad ng lalawigan. Higit itong naramdaman sa serbisyong pangkalusugan, turismo, edukasyon, lokal na ekonomiya, at sa pagkilala rito bilang pioneer sa disaster risk reduction at climate change adaptation.

Aniya, masigasig niyang isusulong sa Kongreso ang matagumpay na “development strategy” ng Albay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Sa Albay, hindi namin sinusukat ang kaunlaran sa matataas na gusali at malawakang metropolis. Sa halip, kasama sa mga development indicators namin ang mga nanay na hindi na namamatay sa panganganak, ang naging ligtas na kami sa malaria at filariasis, ang pagtaas ng antas namin sa National Achievement Test ng DepEd sa pang-19 noong 2012 mula sa pang-177 noong 2007, at ang modernisasyon ng aming mga ospital,” paliwanag ni Salceda.

“Noong 2006, ang foreign tourists sa Albay ay 8,700 at ang domestic tourists ay 124,675 lamang. Lumobo ang bilang ng foreign tourists sa 374,949 at ang domestic tourists sa 1,042,646 noong 2015, kaya umabot sa 1,417,646 arrivals sa kabuuan,” sabi pa ni Salceda.