BATANGAS CITY - Nasakote ng awtoridad ang isang bagitong pulis matapos itong ireklamo ng umano’y pangingikil sa Batangas City.
Dakong 5:50 ng hapon nitong Mayo 12 nang arestuhin sa parking lot ng isang supermarket si PO1 John Macaraig, 26, nakatalaga sa intelligence operations ng Batangas City Police.
Hindi naman nadakip ang sinasabing kasabwat ni Macaraig na si PO2 Ruby Añonuevo sa entrapment operation sa Barangay Balagtas.
Ayon sa report mula kay Insp. Mary Anne Torres, information officer ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), inireklamo si Macaraig ni Jozen Hidalgo dahil sa umano’y pangingikil para mapababa ang bigat ng kaso at makapagpiyansa ang kapatid ni Hidalgo na naaresto sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).
Nakapagbigay na umano ang biktima ng P12,000 kay Macaraig bago pa ikinasa ang entrapment operation.
Narekober ng awtoridad sa nasabing operasyon ang P3,000 marked money at cell phone. - Lyka Manalo