Ni Marivic Awitan

Tinalo ng University of Perpetual Help ang dating co- leader Arellano University, 80-72, upang masolo ang liderato sa Group A sa pagpapatuloy ng Fil-Oil Flying V Preseason Premier Cup, sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.

Umpisa pa lamang ay nadomina na ng Altas ang laro upang maangkin ang ikaapat na sunod na panalo.

“Actually the guys came out ready,” sambit ni Perpetual coach Nic Omorugbe.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We didn’t really do much, I just made them realized that if we ‘ re going to be an elite team in the NCAA,this is one of the teams that we really need to beat badly,” aniya.

Nagtala ng 19 na puntos at 13 rebound si Bright Akhuetie kahit hindi siya parte ng starting five na habang nagdagdag ng tig-14 puntos sina Gab Dagangon at John Genmar Ylagan para sa Perpetual.

Nagtapos namang topscorer sa Chiefs na nalaglag sa barahang 3-1, sina Kent Salado at Jiovanni Jalalon na nagposte ng 15 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod. Nauna rito, naiposte ng Adamson ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos padapain ang Lyceum, 88-69 sa junior class.

Naisalansan Jojo Antiporda ang 13 sa kabuuang 15 puntos sa second half upang pangunahan ang panalo ng Baby Falcons.

Buhat sa 43-40 na bentahe sa halftime, nagsimulang kumalas ang Baby Falcons para maitayo ang 71-53 kalamangan bago matapos ang third quarter.