Alamat ng Sampaloc

HUMANDA nang mahalina ngayong hapon dahil magbabalik na ang Alamat, ang first-ever Pinoy animated anthology series mula sa GMA News and Public Affairs.

Tampok sa groundbreaking show ang mga alamat at kuwentong sumasalamin sa kulturang Pinoy. Una itong ipinalabas noong nakaraang taon at dahil na rin sa pagtataguyod ng mga natatanging aral, lalo na sa mga bata, ginawaran ito ng Anak TV Seal Award.

Makakaasa ang mga manonood na magiging mas makulay at kapana-panabik pang lalo ang ikalawang aklat ng Alamat dahil mas pinaganda pa ng GMA ang paglalahad ng bawat kuwento. Bukod sa nakabibilib na animation na gawa ng ilan sa pinakamagagaling na Pinoy animators, may live action drama na ring mapapanood sa Alamat.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Magkakaroon din ng isang misteryosong “narrator” ang bawat episode. Tiyak na aabangan ng mga manonood ang kaugnayan niya sa kuwento sa katapusan ng bawat episode.

Bibigyang-buhay ng ilang sa pinakamagagaling na aktor ng Kapuso Network ang mga kuwento ng ikalawang aklat ng Alamat, kabilang sina Benjamin Alves, LJ Reyes, Bianca Umali, Frencheska Farr, Rafa Siguion-Reyna, Leo Martinez, Tonipet Gaba, Love Añover, John Feir, Zaimic Jaranilla, at Miggs Cuaderno.

Sa unang episode ngayong Linggo, tampok ang Alamat ng Sampalok. Kuwento ito ng isang bayan na paulit-ulit na sinasalakay ng higanteng ibon na kung tawagin ay Minokawa. Tatlong mandirigma ang tatalo sa halimaw, at dahil sa kanilang kabayanihan ay hihirangin silang mga bagong pinuno ng bayan. Ngunit may iba pala silang pakay na matutuklasan lang kapag nabigyan na sila ng kapangyarihan.

Ang beteranong aktor na si Leo Martinez ang magbibigay-buhay sa mandirigmang si Sampo. Hindi na bago para kay Leo ang voice acting. Dahil nga raw sa Alamat, nanumbalik ang mga alaala niya noong nagda-dubbing siya para sa mga pelikulang banyaga na isinalin sa Filipino.

Makakasama ni Leo ang komedyanteng si RJ Padilla na nagsabing kakaiba ang naranasan niya sa Alamat dahil hindi lang siya nag-voice acting para sa animation kundi pinatungan rin siya ng prosthetics para gumanap na tagapagsalaysay sa harap ng kamera.

Mapapanood na ang simula ng ikalawang aklat ng Alamat ngayong Linggo, 5:15 PM, sa GMA-7.