Muling masasaksihan ng bayang karerista ang pamosong Philippine Racing Commission-backed Triple Crown series simula sa Linggo (Mayo 15) sa Saddle & Clubs Leisure Park, sa Naic, Cavite.
Liyamado para sa korona ng karera na nakalaan para sa pinakamahuhusay na three-year-old ang Dewey Boulevard ni multi-titled owner Hermie Esguerra, Indianpana ng Deemark International Trading Corp.; Kid Benjie ni Benjamin Virata, Radio Active ng SC Stockfarm Inc., Sky Dancer ni Joseph Dyhengco, Space Needle (filly), at Underwood ng Stony Horse Farm Inc., Spectrum ni Narciso Morales, at Subterranean River Filly (filly) ni Wilbert Tan.
May kabuuang P3 milyon premyo ang nakataya sa karera na may distansiyang 1,600 metro, tampok ang P1.8 milyon sa kampeon at P675,000 sa runner-up. Tatanggap ang ikatlo at ikaapat na puwesto ng P375,000 at P150,000, ayon sa pagkakasunod.
Ang tatlong leg na serye ay ibinatay sa pamosong Triple Crown sa Amerika na binubuo ng Kentucky Derby, Preakness Stakes, at Belmont Stakes.
Walang nakagawa ng”sweep” sa nakalipas na Triple Crown, kung saan nakuha ni Superv ang unang leg, ngunit natalo siya ni Court of Honor sa ikalawang leg. Tinanghal na kampeon ang Miss Brulay sa huling yugto ng karera.
Bago ang Triple Crown edition noong 2014, nagawang walisin ni Kid Molave ni Emmanuel Santos ang karera, sapat para pagkalooban ito ng bonus na P500,000 ng Philracom.
Sinimulan ang naturang pakarera noong 1978 kung saan naiuwi ni Native Gift ang unang dalawang leg, bago nakasingit si Majority Rule.
Mula noon, may 10 pangarera ang nakapagwagi ng Triple Crown:Fair and Square (1981), Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), at Kid Molave (2014).
“Like in past stagings of the Triple Crown, we expect this year’s event to be another well-attended edition,” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez.
“Participating horseowners and their families will be there, and so are the fans cheering for their favorite horses and jockeys,” aniya.
Mapapanood din ang maakiyons Philracom Hopeful Stakes Race na may nakatayang P1 milyon premyo at ang Philracom 3YO Locally Bred Stakes Race na may naghihintay na P500,000 premyo.
Raratsada sa Hopeful race ang Dance Again, Gee’s Jewel, Guatemala, Homonhon Island, Mahayana Budur, Pinagtipunan, Real Flames, Secret Kingdom at Striking Colors, habang hahataw sa Locally Bred Stakes ang Charlord, Garlimax, He He He, Johnny Be Good, Kangaroo Court, Love Hate, Most Trusted, Mount Iglit, Pangarap, Play It Safe, Professor Jones, at Virgin Victoria.