Sa kabila ng paliwanag, nais pa rin ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na maimbestigahan at mapanagot ang technology provider na Smartmatic sa umano’y hindi awtorisadong pagpapalit nito ng script sa transparency server.

Sa isang pulong balitaan sa command center ng Comelec sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, inamin ni Guanzon na nang una niyang natanggap ang balita ay nanginig ang kanyang mga tuhod dahil sa pag-aakalang posibleng ito ang ginamit sa dayaan sa eleksiyon.

“Ang tapang-tapang kong babae, pero nanghina ang tuhod ko nang malaman kong may ginalaw sila, kasi baka may nangyari ngang hindi maganda,” pahayag ni Guanzon.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Hindi nagustuhan ni Guanzon ang ginawa ni Marlon Garcia, opisyal ng Smarmatic, sa script ng transparency server nang hindi humihingi ng permiso sa kanila dahil ito, aniya, ay paglabag sa protocol.

“This automated elections is not owned by Smartmatic. It is owned by the Commission on Elections, representing the people of the Philippines! It is owned by the government! They were not supposed to change anything without our knowledge and permission,” aniya pa.

Tiniyak rin niya na hihiling siya, kasama ang iba pang commissioner, ng pormal na imbestigasyon sa pangyayari upang matukoy ang mga pananagutan ng Smartmatic sa ginawa nito.

Makatutulong, aniya, ang isang formal investigation sa kaso upang matuldukan ang hinala ng mga mamamayan na wala nangyaring dayaan sa halalan nitong Lunes. (Mary Ann Santiago)