ANG pagkakahalal kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang susunod na pangulo ng Pilipinas ay nagpasigla ng pag-asa na mapagtutuunan na ng sapat na atensiyon ang Mindanao kumpara sa natamo nito sa nakalipas na mga administrasyon.
Sa katunayan, simula 2011 ay tumataas ang inilalaan sa Mindanao mula sa pambansang budget. Para sa 2016, ang bahagi nito sa P3-trilyon pambansang budget ay P380.9 bilyon, kumpara sa P594 bilyon para sa Luzon at P285.4 bilyon sa Visayas. Ang mga pondong ito para sa pagpapaunlad sa mga rehiyon ay mas prioridad kaysa mga pambansang programa, gaya ng depensa at ugnayang panlabas.
Sa nakalipas na mga taon, ang pondo para sa Mindanao ay kadalasang napupunta sa imprastruktura, agrikultura, programang pangkabuhayan, at serbisyong panlipunan. Ang ambag ng rehiyon sa pambansang ekonomiya ay karaniwan nang nagmumula sa agrikultura. Mindanao ang pangunahing pinanggagalingan ng pinya, saging, kamoteng-kahoy, kape, at goma, gayundin ng malaking bahagi ng kabuuang produksiyon ng niyog at mais sa bansa. Sagana rin ito sa mahahalagang likas na yaman, partikular sa pagmimina at kagubatan.
Ngunit mistulang hindi nabibiyayaan ang mamamayan ng Mindanao sa mga benepisyo ng kaunlarang pang-ekonomiya, at maraming dahilan ang ikinatwiran dito. Isa sa mga ito ang kawalan ng industriya, na isinisisi sa kakapusan ng supply ng kuryente, upang magkaloob ng trabaho at lumikha ng mga produkto para sa lokal na konsumo, gayundin para mailuwas sa ibang bansa. Ngunit ang pinakamalaking suliranin ay ang pangloob na seguridad, kapayapaan at kaayusan.
Nagtagumpay ang administrasyong Aquino na makuha ang suporta ng pinakamalaking armadong grupo sa Mindanao, ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), bagamat nakabimbin pa rin ang pagpapatibay sa kasunduan hanggang hindi pa naaaprubahan ang Bangsamoro Basic Law. Nagkaroon ng kasunduan ang mga naunang administrasyon sa Moro National Liberation Front (MNLF). At nariyan din ang New People’s Army na dating aktibo sa Central Luzon, ngunit kalaunan ay lumipat na sa ilang lugar sa Mindanao.
Dapat na alam ni President-elect Duterte, na ilang dekadang nagsilbi bilang alkalde ng Davao City, kung paano tutugunan ang mga problemang ito at kung saan magsisimula. Ngayong kontrolado na niya ang kapangyarihan at ang pondo ng pambansang gobyerno, dapat na magawa niyang pangasiwaan ang mga operasyon ng maraming ahensiya na nakatutok sa seguridad at pagpapaunlad upang matumbok ang mga partikular na suliranin sa mga puntong pamilyar siya.
Sa panahon ng kampanya, isinulong niya ang maraming ideya at programa, kabilang ang pederalismo upang mahimok ang iba’t ibang rehiyon sa bansa na gawing prioridad ang kaunlaran. Marami sa mga programang ito ang nangangailangan ng pagbabago sa Konstitusyon, at kasabay nito, ang sapat na panahon. Gayunman, mayroong mga programa na maaaring agad na maisakatuparan, gaya ng pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan at pagsugpo sa krimen, partikular na ang may kinalaman sa ilegal na droga.
Naghihintay ang buong bansa sa magiging tugon sa mga problemang ito—kaya naman siya ang ibinoto ng nakararaming Pilipino kaysa ibang kandidato. Ngunit kahit pa resolbahin niya ang maraming suliranin sa bansa, mauunawaan natin—at buong lugod na tatanggapin—ang atensiyong ipagkakaloob niya sa minamahal niyang rehiyon, ang Mindanao, na panahon nang tutukan ang kapakanan.