COTABATO CITY – Pinagbabaril at napatay ng mga hindi nakilalang lalaki ang isang re-elected na konsehal ng Shariff Aguak sa Maguindanao nitong Miyerkules ng gabi, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Chief Insp. Reynato Mauricio Jr., hepe ng Shariff Aguak Police, ang pinaslang na si Councilor Hadie Malaguial, miyembro ng Liberal Party, na muling nahalal bilang konsehal nitong Lunes.
Ayon sa pulisya, armado ng mga assault rifle ang mga suspek nang pagbabarilin ang bahay ni Malaguial.
Nakaupo noon si Malaguial sa harap ng kanyang bahay at tinangka pa niyang tumakbo, ngunit natamaan na siya sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Bago tumakas, naghagis pa ng M-203 grenade ang mga suspek upang mapigilan ang mga kaanak ni Malaguial sa paghabol sa kanila.
Kapartido ni Malaguial si Shariff Aguak acting Mayor Marop Ampatuan, na iprinoklamang nagwagi sa kanyang re-election bid laban sa pinsang si Sajid Islam Ampatuan, ang bunsong anak ng yumaong si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr. (Ali G. Macabalang)