SA biglang sulyap sa larawan ni President-elect Rodrigo Duterte sa pahina ng Manila Bulletin kamakalawa, tiyak na walang hindi kikilabutan sa takot. Isipin na lamang na siya ay napaliligiran ng mga armadong rebelde ng New People’s Army (NPA); ang Pulang Bagani Batallion na pinamumunuan ni Kumander Elizalde ‘Ka Yancey’ Canete. Marahil, ang naturang eksena ay naganap sa isang bahagi ng kagubatan nang isuko ng mga rebelde sa bagong-halal na Pangulo ang limang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na dinukot ng naturang rebel group.
Sa nabanggit na larawan, hindi ko nabakas ang mga kilos na lagi nating napapansin kay Duterte noong kasagsagan ng kampanya: yaong kanyang pagiging mabagsik lalo na kung binibigyang-diin ang pananamantala at paglaganap ng mga karahasan sa mga komunidad at droga.
Sa halip, nadama ko ang marubdob na adhikain ni Duterte na paigtingin ang kapayapaan at pagkakasundu-sundo ng lahat ng nagbabangayan at hindi nagkakaunawaang sektor ng sambayanan. Pagdating sa usaping pangkapayapaan o peace talks, nais niyang harapin hindi lamang ang mga rebeldeng NPA kundi maging ang iba’t ibang sektor ng mga rebeldeng Muslim sa Mindanao. Kabilang na rito, marahil, ang Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pa. Nais din kayang harapin ng bagong-halal na Pangulo ang mga private army na inaalagaan, wika nga, ng makapangyarihang mga pulitiko at malalaking negosyante?
Hindi ko nakadaupang-palad si Duterte kahit minsan sa buhay ko, subalit naniniwala ako na hindi siya mahihirapan sa pakikitungo sa mga nabanggit na naghaharing grupo. Ang mga estratehiya na ipinamalas niya sa Davao City na maraming taon din niyang pinamumunuan ay sapat na upang tiyakin ang kanyang tagumpay sa ganitong mga pakikipagsapalaran. Ang paglipol ng mga kriminal at mga sugapa sa droga ay marapat lamang sa isang komunidad na pinamumugaran ng mga mararahas.
Ang planong pagpapalaya sa mga political prisoner na kinabibilangan ng mga rebelde ay epektibo ring elemento sa peace process. Kaakibat ito ng inaasahang paglahok ng mga haligi ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF) na pinamumunuan ni Jose Maria Sison. Isa itong paraan upang mawakasan ang pag-aaklas ng NPA.
Ang lahat ng ito ay maituturing na isang higanteng hakbang tungo sa kapayapaan. (Celo Lagmay)