Hindi pa man opisyal na naipoproklama si Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang bagong Pangulo ng Pilipinas, ilang grupo na ang naglahad ng kani-kanilang kahilingan sa susunod na leader ng bansa.
Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) kay Duterte na pagkaluklok sa puwesto ay agad na maghain ng mga kaso laban kay Pangulong Aquino dahil sa umano’y ilegal na paggamit ng pondo ng bayan.
“We dare him to immediately file cases against Aquino and top government officials closest to Aquino for their crimes pertaining to plunder and corruption, human-rights violations, extreme puppetry to the US, among others,” saad sa pahayag ng KMU.
Iginiit din ng militanteng grupo na tuparin ni Duterte ang ipinangako nito sa kampanya na tuluyan nang tutuldukan ang “endo” o contractual employment at makikipag-ugnayan sa mga grupong makakaliwa habang nagpapatupad ng mga pagbabago sa gobyerno.
“We dare Duterte to fulfill his promise of ending contractualization. He should repeal Department Order No. 18-A Series of 2011 and provisions of the Herrera Law and the Labor Code that legalize contractualization. He should ban Job Contracting together with the already-illegal Labor-Only Contracting,” anang KMU.
Nanawagan din ang KMU sa susunod na pangulo ng bansa na pagkalooban ang mga manggagawa ng sapat na suweldo.
Samantala, hinihimok naman ng migrant advocate na si John Bertiz si Duterte na tugunan ang mga problema ng mga overseas Filipino worker (OFW), gaya ng P550 airport terminal fee integration, pagbubukas ng mga balikbayan box, at ang modus na “tanim-bala” sa mga paliparan.
Bukod dito, hiniling din ng nominee ng Alliance for Community Transformation and Service-OFW (ACTS-OFW) Party-list kay Duterte na bigyan ng trabaho ang mga OFW na maaapektuhan ng mga kaguluhan sa Middle East. (Samuel Medenilla)