Nadagdagan pa ang mga lugar sa Visayas at Mindanao na magdaraos ng special elections ngayong Sabado.

Ito ay matapos na magdeklara nitong Huwebes ng gabi ang Commission on Elections (Comelec) ng failure of elections sa ilang clustered precinct sa Maguindanao, Agusan del Sur at Negros Occidental.

Batay sa Comelec Resolution 10135, sinabi ng en banc na may 703 botante ang hindi nakaboto sa Barangay Katuli sa Sultan Kudarat, Maguindanao makaraang mag-alisan ang Board of Election Inspectors (BEIs) matapos na tangayin ng mga armadong lalaki ang mga ballot box at iba pang election paraphernalia.

Mahigit 700 botante naman ang hindi nakaboto sa Bgy. Binucayan sa Loreto, Agusan del Sur dahil sa kawalan ng balota, habang hindi naman nagkaroon ng halalan sa Bgy. Palayog, Hinigaran, Negros Occidental, na may 685 botante, makaraang maligaw ang mga balota.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Inihayag ng Comelec nitong Miyerkules na magdaraos ito ng special elections sa 52 clustered precinct, na may 17,657 botante, sa walong lalawigan na nagkaroon ng failure of elections bunsod ng iba’t ibang kadahilanan.

Sa kabuuan, mahigit 19,700 ang boboto ngayong Sabado.

Kaugnay nito, bukod sa titiyakin ang seguridad ng halalan, magsisilbi ring BEIs ang mga pulis sa ilang lugar ngayong Sabado.

Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), gagamitin ng pulisya ang kaparehong security template na ipinatupad nitong Lunes, ngunit paiigtingin pa nila ito sa mga lugar na may banta ng mga armadong grupo, sa pakikipagtulungan ng militar. (MARY ANN SANTIAGO at AARON RECUENCO)