Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na nasa likod umano ng hacking ng mga pribadong indibiduwal, na kanyang ginagamit upang makakuha ng booking sa mga hotel sa Dumaguete at sa iba pang bakasyunan.

Kinilala ni NBI Special Investigator III Maria Contessa Lastimoso ang suspek na si Eduardo Friolanita, 31, residente ng Barangay Boloc-boloc, Sibulan, Negros Oriental.

Si Friolanita ay naaresto base sa reklamo ng staff ng isang hotel sa Dumaguete City na kinumpronta ng isang dayuhang turista kung bakit ang account number nito ay may mga booking sa siyudad.

Sinabi ni Lastimoso na nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 8484 o Illegal Use of an Access Device or Credit Card.

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

Nang salakayin ng mga NBI agent ang silid ni Friolanita, nasamsam dito ang isang laptop computer at nadiskubre roon ang mga ilegal na transaksiyon, kabilang ang pamemeke ng mga ID card.

Nabawi rin sa pangangalaga ng suspek ang isang sachet na may shabu, at sari-saring drug paraphernalia.

Todo-tanggi naman si Friolanita sa mga akusasyon. Aniya, ang voucher na iprinisinta niya sa front desk ay ipinadala sa kanya ng isang kaibigan matapos silang magkakilala sa Skype, at ibinigay ng huli ang account number upang makapag-book sa mga hotel. (Argyll Cyrus B. Geducos)