Matapos magtala ng kasaysayan bilang unang taga-Mindanao na naluklok sa Malacañang, maaaring muling mag-iwan ng marka si presumptive president Rodrigo Duterte sa puso ng mamamayan kung manunumpa siya sa tungkulin sa harap ng isang barangay chairman.

Hinamon ni Camarines Sur Rep. Salvio Fortuno si Duterte na manumpa sa tungkulin sa isang barangay chairman.

Kapag pumili si Duterte ng isa sa hanay ng 42,000 punong barangay upang panumpain ito sa tungkulin, sinabi ni Fortuno na si Duterte ang unang inihalal na pangulo na kumagat sa Republic Act 10755, na nilagdaan ni Pangulong Aquino.

Inakda ni Fortuno, binibigyan ng kapangyarihan ng RA 10755 ang isang barangay chairman na pangasiwaan ang panunumpa sa tungkulin ng sinumang halal na opisyal, kabilang ang pangulo ng Pilipinas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inamyendahan nito ang Section 41 ng Executive Order 292 o Administrative Code of 1987 na nagbibigay ng karapatan sa mga opisyal ng gobyerno na makapili sa mga awtorisadong opisyal upang pangasiwaan ang oath taking.

“President-elect Duterte has endeared himself to many Filipinos because of his down-to-earth manners and unvarnished humility. He can depart from the old tradition of being sworn in by a court magistrate and take his oath of office before a punong barangay in recognition of their efforts to deliver frontline services of the government,” ayon kay Fortuno.

Kapag kinagat ni Duterte ang hamon, naniniwala si Fortuno na lalong mapapamahal ang alkalde ng Davao City sa libu-libong opisyal ng barangay sa bansa, kabilang ang mga hindi sumuporta sa kandidatura nito sa pagkapangulo.

Una nang inihayag ng kampo ni Duterte na magiging simple at tipid lang ang inauguration ceremony para sa bagong presidente, batay sa kahilingan nito. (BEN ROSARIO)