“TRABAHO din iyon,” ang sagot ni Dion Ignacio nang tanungin siya sa presscon ng Magkaibang Mundo kung bakit bumalik yata siya sa pagiging supporting gayong dati na siyang nagbibida.
“Okey lang po sa akin ‘yon, character lang ang napapalitan, kaya dito pagbubutihin ho ang acting ko. Mayaman ako rito, CEO ng isang malaking mall. Mabait ako sa simula pero later on, magiging masama ang ugali ko, kalaban ko rito si Elfino (Juancho Trivino) sa puso ni Princess (Louise delos Reyes).”
Matagal-tagal na ring walang ginagawang soap si Dion sa GMA-7, ang huli ay bilang ang masamang si Nicandro sa Marimar na pinagbidahan ni Megan Young. Matagal-tagal na ring natapos ang Marimar, ano ang ginawa niya habang wala siyang bagong project?
“Nag-enrol po ako sa School of Knowledge and Development diyan sa Quezon Avenue, kumuha ako ng Culinary Arts. Doon din nag-aral ang ilang Kapuso stars like si Barbie Forteza. Marunong din naman akong magluluto sa bahay, pero gusto kong matuto kahit basics lang tungkol sa culinary arts. Wala naman akong ginagawa, kaya iyon, nag-enrol ako.
“One month na akong nag-aaral nang dumating itong offer ng Magkaibang Mundo. Baka mapilitan na rin po akong huminto, kasi once a week lang ang pasok ko, every Friday, nasabay naman sa taping namin. Siguro, saka na lang ako muli mag-eenrol, kapag wala munang work.”
May natutuhan na ba siya sa four times na pagpasok niya sa culinary school?
“Opo, kayang-kaya ko nang gumawa ng sarili kong pasta, marunong din akong gumawa ng mayonnaise, at nakakagawa na rin ako ng iba-ibang klase ng pasta, paborito ko ang Tuna Pasta na nilalagyan ko ng iba-ibang spices. Mahilig kasi ako sa pasta kaya sulit ang napag-aralan ko.”
Paano ang kanyang gigs sa bars?
“Hindi na po, huminto na ako sa gigs. Napupuyat ako at mahirap lalo na kung may taping ako. Mahirap din po kasi napapainom pa ako kapag may gig, hindi po naman ako sanay uminom, kaya hininto ko na lang. Dito na lang ako sa taping ko.”
Mapapanood na sa May 23, pagkatapos ng Eat Bulaga, ang Magkaibang Mundo mula sa direksiyon ni Mark dela Cruz.
(NORA CALDERON)