LEGAZPI CITY – Bagamat si Senator Grace Poe ang unang nag-concede kay presumptive president-elect Davao City Mayor Rodrigo Duterte nitong Lunes ng hatinggabi, masaya pa ring maaalala ni Sen. Grace Poe ang manipis niyang panalo sa Albay.

Ito ay matapos na inilipat kay Poe ni Albay Gov. Joey Salceda ang suporta mula kay Mar Roxas, mahigit isang linggo bago ang eleksiyon.

Batay sa unofficial count sa 98.93 porsiyento ng mga boto sa Albay nitong Mayo 12, nagtala si Poe ng 219,202 boto, ungos nang kaunti sa 218,933 na nakuha ni Roxas, habang pumangatlo naman si Duterte sa naitalang 79,215 boto. Malaki ang lamang ni Poe sa ikalawang distrito ng Albay, na umani siya ng 78,500 boto, habang 86,607 naman ang nakuha niya sa ikatlong distrito ng lalawigan.

Magtatapos sa Hunyo 30 ang ikatlong termino bilang gobernador, naihalal namang kongresista si Salceda sa ikalawang distrito ng probinsiya sa nakuhang 92% ng kabuuang boto sa distrito.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakabangon ang Albay sa paghihirap na dulot ng madalas na pananalasa ng kalamidad, at naging global standard model din ang lalawigan sa disaster risk reduction at climate change adaptation.

Sinabi ng bagong kongresista na pangunahin sa kanyang agenda na gawing lungsod ang Daraga, magkaroon ng National Higher Education Contribution System para sa mga pribadong kolehiyo, scholarship program, at pagtatatag ng P20-bilyon Special Trust Fund.

Handa rin umano si Salceda na tumulong sa economic team ni Duterte. Matatandaang nang mangampanya ang huli sa Albay ay inalok nitong maging tagapamuno ng National Economic Development Authority (NEDA) ang gobernador.